226 total views
Ipinapanalangin ng Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ikinalungkot ni Davao Archbishop Romulo Valles, Pangulo ng CBCP ang ulat sa medical findings na may nakitang tumubo sa digestive tract ng Pangulo sa isinagawang endoscopy.
“It’s a sad news, the medical findings; and we would like to really pray for our President that he would be recovering from this found illness.” ipinadalang mensahe ni Archbishop Valles sa Radio Veritas.
Hinimok din ng Arsobispo ang mamamayan na sama-samang ipagdasal ang kalusugan ng Pangulo sapagkat mahalaga ang tungkulin nitong ginagampanan sa bayan.
“We would Pray for him that he would be back to his health so that he can run the affairs of the Country.” panawagan ni ng Arsobispo.
Noong Biyernes ay ibinahagi ni Presidential Spokesman Harry Roque na iminungkahi ng mga doktor kay Pangulong Duterte na sumailalim sa endoscopy upang mas higit na masuri ang tumubo sa digestive tract nito.
Ang Endoscopy ay isang pagsusuri sa upper digestive tract ng tao habang ang Colonoscopy naman ay upang malaman ang kalagayan ng large intestine o Colon.
Si Pangulong Duterte ay 73 taong gulang na, ang pinakamatandang nahalal na Pangulo ng Pilipinas sa kasaysayans.
Iginiit ni Archbishop Valles na ipinagdadasal ng Simbahan at ng bawat mananampalataya ang mga may karamdaman kabilang na si Pangulong Duterte.
Hinihikayat naman ni Pope Francis sa kaniyang mga mensahe sa mga kristiyano na patuloy na ipanalangin ang mga lider ng pamahalaan.
Ito ay sa kabila ng pagkakaiba ng paniniwala, polisiya at grupong pulitikal na kinaaniban.