337 total views
Umaapela ng panalangin ang Diocese of Balanga, Bataan para sa kaligtasan ng lahat mula sa nagbabadyang pananalasa ng Super Typhoon Ompong.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos na siya ring CBCP-Central Luzon Regional Representative, mahalagang manalangin ang bawat isa upang ipag-adya ng Panginoon ang bansa mula sa anumang epekto ng paparating na kalamidad partikular na sa hilagang Luzon.
“With this coming Super Typhoon, let us first of all resort to PRAYERS. Pray is our strength. Prayer is our assurance. Let us pray as one Country begging God to keep us safe, Protect us from Calamities, and deliver us from Sufferings.” pahayag ni Bishop Ruperto Santos sa Radyo Veritas.
Pinaalalahanan rin ng Obispo ang mga residente mula sa mga lalawigang inaasahaang madadaanan ng bagyo na maghanda ng sapat na supply ng mga pagkain at kagamitan para sa buong pamilya.
Bukod dito, hinimok rin ni Bishop Santos ang bawat isa na huwag mag-atubiling tumulong sa kapwa sakali mang may mangailangan ng tulong sa kasagsagan ng sama ng panahon.
Iginiit rin ng Obispo ang kahalagahan ng pagsunod sa mga direktiba at panuntunan ng mga nasa kinauukulan at mga lokal na Opisyal upang manatiling ligtas mula sa anumang banta ng bagyo.
“Also let us be PREPARED with necessary things and Equipments. Provide what we really need and be brothers’ keepers one another. And lastly always FOLLOW the Directives of our Government Officials, and heed to their call.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Batay sa tala, ang Bagyong Ompong ang ika-15 bagyo na tumama sa bansa ngayong taon.
Unang tiniyak ng mga Social Action Centers na nakahanda ang Disaster Risk Reduction Response ng bawat ng Simbahan upang tulungan ang mga nangangailangan at maaring maapektuhang residente ng mga pagbaha o pagguho ng lupa dulot ng mga pag-ulan.