340 total views
May 11, 2020, 2:27PM
Labis na ikinalungkot ng opisyal ng Caritas Manila ang sitwasyon ng mga maralitang mamamayan na labis na apektado ng mahigpit na pagpapatupad ng enhaced community quarantine.
Personal na naglibot si Rev. Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas sa Isla Puting Bato sa Tondo Manila kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Ina kung saan nasaksihan ang kahirapang idinulot ng pandemya.
“Kawawa ang kalagayan ng mga nanay dito sa Isla Puting Bato sa Tondo, tayo’y narito upang magbigay ng kaunting ayuda upang maibsan ang kanilang paghihirap,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Karamihan sa mga mamamayan sa lugar ang umaasa lamang sa pagtitinda ng mga gulay, pag-uuling at iba pang maliliit na pagkakakitaan na pansamantalang nahinto dahil sa stay at home policy na ipinatupad ng gobyerno.
Ang paglilibot ni Fr. Pascual ay bahagi pa rin ng pinaigting na Ligtas COVID 19 Campaign ng social arm ng Archdiocese of Manila bilang tugon sa pandemic COVID 19.
Target ng Caritas Manila na maabot ang mahigit isandaang libong mahihirap na pamilya na labis nahirapan.
Ito ay bukod pa sa mahigit isang milyong pamilya o katumbas sa halos pitong milyong indibidwal na nakinabang sa sa naunang Oplan Damayan ng Caritas Manila na nagpamahagi ng higit isang bilyong pisong halaga ng gift certificate sa pakikipagtulungan ng Project Ugnayan ng mga negosyante.
Bukod sa ipinamahaging food bags sa Isla Puting Bato binigyan din ng Caritas Manila ng gift certificate ang ilang kapus-palad na walang ibang mapagkunan ng pagkain at pangunahing pangangailangan ng pamilya.
Tiniyak ni Fr. Pascual na mananatiling gumagabay ang simbahan sa mamamayan sa gitna ng krisis pangkalusugan na naranasan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig.
“Patuloy makikiisa ang Simbahan, ang Caritas Manila sa ating mahihirap na komunidad na apektado ng krisis,” saad ni Fr. Pascual.
Kasamang naglibot ng pari si Rev. Fr. Jorge Peligro, OAR ang kura paroko ng Our Lady of Peace and Good Voyage ng Del Pan Tondo at ang mga volunteers ng Caritas Manila na sa kabila ng pagiging apektado ng kasalukuyang sitwasyon ay nanatiling nakahandang tumulong sa kapwa.