218 total views
August 22, 2020
Pinatunayan ng Santo Niño de Pandacan Parish na hindi hadlang ang trahedyang naranasan upang lingapin ang mga higit nangangailangan sa gitna ng krisis ng corona virus pandemic.
Sa pakikipagtulungan ng Caritas Manila, namahagi ng tulong ang parokya para sa mga jeepney drivers na namamasada sa lugar na labis din ang pangangailangan dulot ng kawalan ng hanapbuhay sa nakalipas na halos anim na buwan mula nang magpatupad ng community quarantine sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng social arm ng Archdiocese of Manila pinasalamatan nito ang Panginoon at naging instrumento ang institusyon upang padalayin sa mananampalataya ang mga biyayang kaloob.
“Nasunog na, tumutulong pa ang ating pinakamamahal na patron ng Santo Niño; nagpasalamat tayo sa Diyos at muli tayong ginamit ng Panginoon upang makapagbigay ng ayuda sa ating jeepney drivers; tayo ay instrumento ng Santo Niño upang matulungan ang mga drivers,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Mahigit sa isandaang mga tsuper ng jeep na pumapasada sa paligid ng Pandacan ang nakatanggap ng tulong tulad ng sampung kilong bigas, de lata, mga gamot at iba pa.
Ayon kay Fr. Pascual, patuloy ang pagkilos ng Caritas Manila kung saan target nitong matulungan ang sampung libong jeepney driver sa kalakhang Maynila.
Nais ng social arm ng simbahan na tulungang makapagtayo ng kooperatiba ang mga tsuper bilang long-term na tulong para sa kanilang kabuhayan at makabili ng bagong jeep ayon sa itinakda sa modernization program ng gobyerno.
Samantala, labis din ang pasalamat ni Rev. Fr. Sanny de Claro, ang kura paroko ng Santo Niño de Pandacan sa Caritas Manila na maging bahagi sa pamamahagi ng tulong sapagkat ito ay paraan din ng paghilom mula sa nakalulungkot na karanasan nang matupok ng apoy ang simbahan noong ika-10 ng Hulyo.
“Nagpapasalamat ako sa Caritas Manila sa napakahusay na ginagawa sa community; you let us heal also sapagkat part ng healing process ay ang pagkakawanggawa,” ayon kay Fr. de Claro.
Tuloy-tuloy pa rin ang proseso at panawagan ng parokya sa mamamayan na magtulungang itayo muli ang simbahan kung saan pinasalamatan ni Fr. de Claro ang mga tumulong tulad ni Manila Mayor Isko Moreno.
Tiniyak din ng Caritas Manila sa pamunuan ng Santo Niño de Pandacan parish ang tulong pinansyal hanggang sa muling maitayo ang simbahan.