220 total views
Sinimulan ngayong araw sa Zamboanga City ang kampanya ng Philippine Misereor Partnership Inc. (PMPI) kasama ang CBCP NASSA/Caritas Philippines, na Salakyag o Sakay, Lakad at Layag Para sa Sangnilikha.
Tema ngayong taon ang “Protektahan ang Inang Kalikasan! Ipagtanggol ang karapatang panlipunan ng mga tao para sa masagana at balanseng ekolohiya.”
Ayon kay Father Edwin Gariguez, Executive Secretary ng CBCP NASSA/Caritas Philippines, layunin ng Salakyag na paigtingin ang panawagan at pataasin ang kamalayan ng tao sa mga negatibong epekto ng pagmimina, gayun din ang mga paglabag sa karapatang pantao sa mga mining affected areas.
Ipinaliwanag ng Pari na kung ang buwan ng Mayo ay para sa mga kababaihan at Inang Maria, marapat lamang na ipakita rin ng mga mananampalataya ang kanilang pag-aalaga sa Inang Kalikasan sa pamamagitan ng gagawaing prusisyon mula Mindanao hanggang Luzon.
“Mahalagang paalala po itong panahong ito, dahil sabi nyo nga Flores de Mayo, mga kababaihan lalo’t higit si Inang Maria, so kasama din natin ang Inang Kalikasan, kumbaga mag puprusisyon tayo ng mahaba hanggang kamaynilaan upang ipaalaala sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng Inang Kalikasan at pano ito patuloy na pangalagaan at itigil ang nagpapatuloy na pagkasira ng ating kalikasan.” Pahayag ni Father Gariguez.
Bukod dito, sinabi ng Pari na napakahalagang paalala ang dadalhin ng Salakyag dahil kasama rin sa kampanyang ito ang pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Encyclical na Laudato Si na “Rights of Nature.”
“Isang mahalagang sangkap nitong kampanyang ito ay yung mahalagang nakabatay sa Laudato Si yung Rights of Nature na ang Kalikasan ay dapat na mayroong kanyang sariling karapatan. Nanduon yun sa sinabi ni Pope Francis na sabi nya ay mayroong intrinsic na kahalagahan yung kalikasan at hindi natin pwedeng ituring na tayo ay parang alipin lang natin yung kalikasan para sa ating sariling kapakinabangan.” Dagdag pa ni Father Gariguez.
Samantala, hinimok naman ni Yolly Esguerra – National Coordinator ng PMPI ang mamamayan na suportahan ang Salakyag.
Ayon kay Esguerra makikita sa Facebook Page na “Salakyag para sa Sangnilikha 2018” ang buong ruta na dadaanan ng Caravan, kabilang na rin ang mga updates sa bawat lugar na kanilang pupuntahan, at maaari itong palaganapin sa Social Media.
Dagdag pa niya mayroon ding 1 million signature campaign sa facebook page ng Salakyag na mahalagang suportahan ng bawat Filipino.
“Meron kaming facebook page ng Salakyag para sa Sangnilikha 2018, if they click there sa facebook account may mga pwedeng gawin. Halimbawa, every day we will post yung nangyayari sa journey so they can like and share yung mga pinopost naming. Tapos, yung 1 million signature nandun din, pwede nilang i-click, they sign up para doon sa 1 million signature na isa-submit sa presidente Duterte at saka kay Secretary Cimatu,” bahagi ng pahayag ni Esguerra sa Radio Veritas.
Ang Salakyag na nagsisimula sa Zamboanga City ay dadaan din sa mga lugar na Dipolog, Iligan, Cagayan De Oro, Butuan, Surigao City, Palo, Guian, Ormoc, Catbalogan, Matnog, Albay, Quezon, Batangas, Laguna, hanggang sa Metro Manila.
Inaasahan na aabot sa humigit kumulang 2-libong mga indibidwal ang sasalubong sa mga maglalakbay mula Mindanao, pagdating sa Metro Manila.
Nakatakda ang pagtatapos nito sa ikalima ng Hunyo kasabay ng pagdiriwang ng World Environment Day.