204 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na patuloy isulong ang karapatan bilang mga Filipino.
Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs, hindi dapat manahimik ang mamamayan at hayaang dustain at pawalang halaga ang kakapakanan ng mga Filipino.
“Dapat pa rin na isulong ito ng taumbayan at hindi tayo dapat na papayag nalang na dustain kumabaga ay pawalang halaga at kung ano man ang ating mga karapatan at kung ano man ang nararapat na matanggap natin bilang Filipino,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng Pari ay kaugnay sa pagdiriwang ng ika- 33 ng taon ng EDSA People Power Revolution sa ika – 25 ng Pebrero kung saan sinabi ni Fr. Secillano na may pagkakaiba ang sitwasyon noong unang EDSA Revolution kumpara sa mga kaganapan ng Pilipinas sa kasalukuyan.
“Patuloy tayo na hinihikayat maging mapagmatyag at talagang kundenahin natin yung mga masasamang ginagawa ng mga namumuno sa atin, yung kanilang corrupt practices, yung kanilang pandarambong, yung kanilang panloloko sa taumbayan, yung kanilang pansariling interes, at hindi tinitingnan ang kapakanan ng mas nakararami,” ayon kay Fr. Secillano.
Tiniyak naman ni Fr. Secillano na patuloy makikiisa ang Simbahan at magiging tinig ng taumbayan upang maipaabot sa mga namumuno sa bayan ang hinaing ng mga Filipino at upang maisaayos ang buhay at pamumuhay ng mga nasasakupan.
Nilinaw ng Pari na ang pagpuna ng mga lider ng Simbahan sa ilang mga polisiya at alituntunin ng administrasyon ay hindi upang sirain ang pamumuno nito sa bayan kundi upang tulungan na mas mapaganda ang paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.
“Sakali man na may pagkakataon na ang Simbahan ay bumabatikos [pamahalaan] hindi ito nangangahulugan na gusto niyang sirain ang sinumang gobyerno na nakaupo ngayon pero nais lang naman ng Simbahan na mas mapaganda, mas maging epektibo at mas nakatutulong talaga sa mas nakararaming Filipino ang mga nagawa ng ating mga nahalal na mga namumuno sa bayan,” giit ni Fr. Secillano.
Taong 1972 nang magdeklara ng Martial Law ang rehimeng Marcos kung saan batay sa kasaysayan samu’t saring pang-aabuso sa karapatang pantao ang naranasan ng mga Filipino at umiiral ang kawalan ng demokrasya sa bansa.
At noong 1986 nang magtungo sa EDSA ang maraming Filipino sa pangunguna ng mga Pari, Madre at ilang indibidwal alinsunod sa panawagan ng noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.