214 total views
Nagsisimula nang bumalik ang mga trabaho at turista sa Roma, Italya sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Fr. Gregory Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filipino na itinalaga ng Italian Bishops na coordinator ng Pastoral Care of Overseas Filipino Workers sa Italy, balik trabaho na maging ang mga Filipino gayundin ang pagsisimula ng klase.
“At ang mga Filipino naman dito at least nakakapagtrabaho na rin, nakakabalik na sa trabaho sa mga employer nila so patuloy na rin hindi kagaya noon na mas madali ngayon nag-iingat pa rin lahat,” ayon kay Fr. Gaston.
Ito ay sa kabila ng pagtatala ng pinakaraming bagong kaso ng coronavirus sa Roma na umabot sa 141- na ini-uugnay sa pagbabalik bansa ng mga nagbakasyong Italyano noong Hulyo hanggang Setyembre.
“Siguro huwag lang tayong matakot, kundi mag-ingat tayo. Paggamit ng facemask, pag nasa labas tayo o di kaya yung social distancing na tinatawag na medyo magkalayo ng kaunti at ingat din sa medyo enclosed na sitwasyon sa mga bus, public area basta ingat lang tayo at ang paghuhugas ng kamay madalas,” dagdag pa ng pari.
Sa pag-iral ng new normal ay patuloy ang pag-iingat ng lahat laban sa sakit sa pamamagitan ng pagsusuot ng facemask at pag-aagwat ng distansya lalu na sa mga matataong lugar.
Tiniyak naman ni Fr. Gaston na nanatiling ligtas ang mga pari sa Pontificio Collegio Filipino mula sa nakakahawang sakit.
“Salamat din sa inyong dasal para dito sa collegio filipino okay kami lahat dito walang nagkakasakit at sa tulong at awa ng panginoon at sa inyong dasal din ay makapagsimula ng bagong taon ng school year itong August,” dagdag pa ni Fr. Gaston.
Una na ring nagpositibo sa virus ang kaniyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle nang dumating ito sa bansa noong ika-11 Setyembre na ngayon ay nasa ika-12 araw na ng kanyang mandatory quarantine.
Si Cardinal Tagle-ang Prefect of the Congregation for Evangelization of Peoples na nakabase sa Vatican ay naninirahan sa Pontificio Collegio Filipino kasama ang higit sa 30 mga Filipinong pari na nag-aaral sa Roma.
Magugunitang matapos magpositibo sa COVID-19 si Cardinal Tagle ng dumating sa Pilipinas ay isinailalim sa swab test ang lahat ng pari at kawani ng Pontificio Collegio Filipino na naging negatibo sa pagsusuri.