713 total views
Ang patuloy na pag-iral ang political dynasty sa bansa ay maituturing na isang sintomas ng sakit na umaatake sa demokrasya ng Pilipinas na dapat na masolusyunan.
Ito ang binigyang diin ni incoming Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity Chairman Diocese of Tarlac Bishop Enrique Macaraeg sa panibagong serye ng online conversation ng implementing arm ng komisyon bilang paghahanda sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Ayon sa Obispo, ang pag-iral ng political dynasty ay isang tahasang paglabag sa demokrasya ng bansa na sa kasalukuyan ang tila pinatatakbo at pinangangasiwaan lamang ng iilang pamilya at angkan.
“Political dynasties however by the symptom of the greater ill in our society, we claim to be a democracy but it is a democracy run and rule by a few,” ang bahagi ng pahayag ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg sa naganap na online conversation ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.
Paliwanag ng Obispo, bagamat walang katiyakan na mawawakasan ang pag-iral ng political dynasty sa bansa ay hindi naman ito nangangahulugan na mawawalang saysay ang pagsusumikap ng lahat na mawakasan ito sa hinaharap.
Giit ni Bishop Macaraeg, naaangkop lamang na simulan na ng bawat isa ang pagpupunla at pagbubukas ng kamalayan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa maling epekto sa lipunan ng tila pagpapasahan lamang ng posisyon sa pamahalaan ng iisang pamilya o angkan.
Pagbabahagi pa ng Obispo, mahalaga ring malaman ng bawat mamamayan na ang pag-iral ng political dynasty sa bansa ay isang balakid upang magkaroon ng pagkakataon ang iba pang may kakayahan, kaalaman at mabuting intensyon na makapaglingkod para sa kabutihan ng bayan.
“Shall we ever get to see the end of political dynasties, perhaps not even in our lifetime but it is important that we begin to sow seeds in the hearts and minds of the people, we begin today to give hope that political dynasties could be ended, the other have to be given the chance, the opportunity to serve the people to make government actually function to the good of common people,” dagdag pa ni Bishop Macaraeg.
May titulo ang panibagong serye ng online conversation ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na “Bago Naman SIR sa 2022” kung saan tinalakay ang usapin ng patuloy na umiiral na political dynasty sa bansa bilang paghahanda sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Una ng binigyang diin ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na mahalaga ang aktibong partisipasyon ng bawat mamamayan upang maisulong ang mabuting pamamahala sa bansa at tapat na halalan sa susunod sa taon lalo na’t bukod sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga senador ay kabilang rin sa kinakailangang ihalal ay ang bagong pangulo at pangalawang pangulo ng bansa na mangangasiwa sa pamamahala sa Pilipinas sa susunod na anim na taon.