181 total views
Itinanggi ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Bise-Presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pagkakaugnay sa miyembro ng taga-oposisyon hinggil sa planong pagpapatalsik sa administrasyong Duterte.
Ito ang pahayag ng Obispo sa unang bahagi ng kaniyang Facebook post na may titulong In Pursuit of Truth: Death Under Investigation and Bikoy Under Investigation.
Lunes ng muling iharap sa press conference ng Philippine National Police si Peter Advincula alyas Bikoy na unang nagbunyag sa pagkakasangkot ng Presidential family sa iligal na operasyon ng droga na agad namang bumaligtad kalaunan.
Sa nasabing press conference, inihayag ni Advincula na nagkaroon ng pulong ang Obispo kasama si Senator Antonio Trillanes IV at isang alyas Jonel sa kaniyang bahay sa Caloocan City.
“Last Monday “Bikoy” appeared in another press conference sponsored by the PNP claiming that he had attended a meeting with me and Senator Trillanes and a certain Jonel at my residence Caloocan city. First of all, I wish to make it clear that I have never had the privilege of meeting with Senator Trillanes in person and I do not know the Jonel he was talking about,” ayon sa pahayag ni Bishop David.
Iginiit ng Obispo na walang naganap na pagkikita at pulong sa pagitan ng mambabatas at hindi niya rin nakilala ang nangangalang Jonel na binabanggit ni Advincula.
Nagtataka rin ang Obispo sa naging interes ng PNP na imbestigahan ang pag-uugnay ni Advincula sa oposisyon at maging sa ilang miyembro ng simbahan sa destabilization plot kontra administrasyong Duterte.
“Lately, the man has also implicated so many other names, including those of Church leaders and religious personalities who may have made no other mistake than believing that the man’s life was really in danger and that he needed sanctuary,”pahayag ng Obispo
Sinabi ng Obispo na binalewala at tinawag na sinungaling ng PNP si Advincula nang unang iniugnay nito sa ilegal na droga ang pamilya at malalapit na kaibigan ng Pangulo.
“Now that he has changed his story and is implicating practically all personalities in the opposition—insinuating that he had merely been used by them in a supposedly well-orchestrated plot to unseat the government—“his truth” (according to the PNP Director) needs to be investigated,” ayon pa sa Facebook post.
Imbestigahan ang kaso ng pagpaslang
Sa kabila nito, muling umapela si Bishop David sa PNP sa patuloy na karahasan laban sa mga hinihinalang may kaugnayan sa ilegal na droga.
Ayon sa Obispo, simula buwan ng Hunyo ay mayroon nang limang kaso ng pagpaslang ang naitala sa Caloocan.
Binigyan diin ng Obispo na ang mga biktima ay kabilang sa libu-libong pagpaslang na kinokonsidera bilang death under investigation na hanggang ngayon ay wala pa ring resulta sa mga may kagagawan ng pagpatay.
Umaasa ang Obispo na bigyang pansin din ng PNP patuloy na kaso ng mga pagpaslang sa halip na pag-aksayahan ng oras ang mga kasinungalingan ni Advincula.
“All these victims have been killed only in the past few days. Most of them are classified as DUI (Deaths Under Investigation). As far as I know, most of the thousands of killings called DUI remain “under investigation”, meaning, unresolved. As bishop of Kalookan, I sincerely wish the PNP could give more time and effort at investigating the truth behind these killings than giving credence to the lies now being peddled by a certain Peter Advincula, alias ‘Bikoy’.”panawagan ng Obispo.