291 total views
Inaanyayahan ng Office of the Promotion of the New Evangelization ang bawat mananampalataya na dumalo at makibahagi sa ika-pitong serye ng Philippine Conference on New Evangelization ngayong taon.
Ayon kay OPNE Executive Director Rev. Fr. Jason Laguerta, tema ng PCNE7 ngayong taon ang “Sino Ang Aking Kapwa” na hango sa Year of Ecumenism, Inter-Religious Dialouge and Indigenous Peoples na ginigunita ng Simbahang Katolika ng Pilipinas bilang paghahanda sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa bansa.
Ipinaliwanag ng Pari na ang maagang pagsasagawa ng pagtitipon ay pagbibigay pugay at paghahanda sa bagong tungkuling gagampanan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bilang bagong Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples na nakabase sa Roma.
“Inaanyayahan ko kayong lahat mga kapanalig na dumalo sa PCNE 7 ang tema natin ay “Sino ang aking kapwa, who is my neighbor” in celebration of the Year of Ecumenism, Inter-Religious Dialogue and Indigenous Peoples. Ang temang ito ay saktong sakto sa bagong papel na gagampanan ni Cardinal Tagle doon sa Rome yung Congregation for Evangelization of Peoples, kaya inaanyayahan ko kayo January 28 – 29 makibahagi po kayo, ang registration po ay maglalagay po kami sa aming website…”panawagan ni Father Laguerta sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ni Father Laguerta na dahil sa pagkakatalaga ni Pope Francis kay Cardinal Tagle na Prefect of the Congregation for the Evangelization of People’s ay napaaga ang taunang pagtitipon.
Inihayag ng Pari na nais nilang makasama at bigyang pagkilala si Cardinal Tagle na siyang ama ng PCNE na pinasimulan noong 2013 bago ito magtungo ng Roma sa Pebrero.
“Yung PCNE or Philippine Conference on New Evangelization anim na taon na nating ginagawa ito, pang-pito ngayong taon sana ang original date niya ay July, 3rd week of July usually sa UST kaya lang nga nagkaroon ng bagong appointment si Cardinal Tagle sa Roma at pupunta siya doon by February kaya ipinasya ng PCNE Team na ilipat ang PCNE sa January 28 – 29. Iisa lang naman ang kadahilanan na sana makasama si Cardinal Tagle kahit man lang sa huling pagkakataon sa PCNE bago siya lumipat sa ibang bansa, bago siya maging OFW…”paglilinaw Fr. Laguerta.
Isasagawa ang ika-pitong serye ng Philippine Conference on New Evangelization sa Araneta Coliseum sa Cubao Quezon City sa ika-28 hanggang ika-29 ng Enero.
Nakatakdang magsimula ang panibagong misyon ni Cardinal Tagle sa Vatican sa susunod na buwan ng Pebrero kung saan kabilang ang Congregation for the Evangelization of Peoples sa siyam na mga sangay o kongregasyon ng Vatican na nangangasiwa sa iba’t ibang misyon at adbokasiya ng Simbahan.
Sa pagtugon ni Cardinal Tagle sa kanyang bagong posisyon ay kakailanganin niyang lisanin ang kanyang tungkuling bilang Arsobispo ng Maynila na magiging sede vacante.