1,047 total views
Kinondena ng iba’t-ibang human rights groups sa isinagawang kilos-protesta sa Boy Scout of the Philippines monument ang patuloy na kawalan ng paggalang sa karapatang pantao sa bansa.
Ang pagkilos ay kasunod ng pagkakapatay sa retiradong pari na si Father Marcelito Paez ng Diocese of San Jose Nueva Ecija ng mga hindi kilalang salarin.
Iginiit ni Promotion of Church Peoples Response spokesperson at Rise Up for Life and for Rights convenor Nardy Sabino na lubhang hindi katanggap-tanggap sa mata ng Diyos at mata ng lipunan ang pagpaslang sa mga taong pumapanig sa mga mamamayan lalo na sa mga mahihirap.
Binigyan diin ni Sabino na ang pagpatay sa pari ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao, pag-abuso sa kapangyarihan at pagsasantabi sa dignidad ng mga nasa laylayan ng lipunan.
“Ang implikasyon na ipinapakita nito na wala tayong maasahang paggalang sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte at mahalaga na maunawaan ng mga mamamayan ang sitwasyon at kumilos laban sa patuloy na pag-atakae sa karapatang pantao,” pahayag ni Sabino.
Sa ulat, si Fr.Paez ay binaril ng 9 na beses dakong alas-otso kagabi habang nasa kanyang sasakyan sa San Leonardo, Nueva Ecija na kauna-unahang pari na pinatay sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sinasabing bago ang pamamaril ay galing si Fr. Paez sa Provincial Jail ng Cabanatuan City kung saan tinulungan nitong makalaya ang political detainee na si Rommel Tucay – isang lider magsasaka na inaresto noong Marso.
Dahil sa madugong insidente, inihayag ni Roneo Clamor,Deputy secretary General ng Karapatan Alliance for the Advancement of People’s Rights na walang saysay ang “Oplan Kapayapaan” ng kasalukuyang administrasyon dahil tanging kaharasan at kawalang seguridad ang nararansan ng mga mamamayan.
“The Duterte administration has gone wild going after those critics of his government whether they are from church sector or whether they are from legitimate people’s organization. We challenge the Duterte administration to condemn this latest killing against Fr. Tito Paez. This must be immediately investigated and perpetrators of these human rights violations must be held into account,” panawagan ni Clamor.
Kaugnay nito, kapwa umaasa ang PCPR at Karapatan sa mabilis na maisasagawa ng gobyerno ang imbestigasyon sa likod ng pagpatay kay Fr. Paez na kilalang tagapagtanggol ng karapatang pantao ng mga manggagawa at magsasaka.
Una nang kinondena ng Diocese ng San Jose Nueva Ecija ang marahas na pagpaslang at umaasang makakamit ang katarungan para sa paring pinatay.