370 total views
July 5, 2020, 3:15PM
Ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Republic Act No. 1-1-4-7-9 o Anti-Terrorism Act of 2020 ay pagpapakita ng pagkamanhid sa tunay na mga pangangailangan ng bayan.
Ito ang reaksyon ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo matapos lagdaan bilang batas ni Pangulong Duterte ang Anti-Terrorism Bill noong ika-3 ng Hulyo.
Ayon sa Obispo, malaki ang problema ng bayan sa kasalukuyan na mas dapat na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan tulad na lamang ng problema sa krisis na dulot ng COVID-19 kabilang na ang kawalan ng trabaho at kakulangan ng pampublikong transportasyon.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na hindi kabilang ang problema ng terorismo sa mga pangunahing problema na kinahaharap ng mamamayan.
Iginiit ng Obispo na ang pagsasabatas sa Anti-Terrorism Act of 2020 ay isa lamang instrumento upang takutin ang mga nagpapahayag ng mga saloobin kaugnay sa mga mali at kawalang katarungan na nagaganap sa bansa.
“Ang pagpipirma po ng Presidente sa Anti-Terrorism Bill na ngayon ay Anti-Terrorism Law yan po ay nagpapakita ng kanyang pagkamanhid sa pangangailangan ng bayan, ang laki ng problema ng bayan ngayon dahil po sa sakit (COVID-19), sa kawalan ng trabaho, dahil sa transportasyon at hindi po ang problema natin ang mga terorista, ngunit yan po ay pinirmahan, nilagdaan upang po takutin ang mga tao na magsasalita laban sa mga pagkakamali ng pamahalaan…”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Nananatili namang positibo ang Obispo na hindi pa nagtatapos ang laban bagamat nilagdaan na ng Pangulo ang naturang batas.
Ayon kay Bishop Pabillo, maari pang umapela ang bayan sa Korte Suprema lalo na’t hindi kailanman dapat na magkabisa ang mga batas na mapapatunayang hindi makatarungan.
Pagbabahagi pa ng Obispo, patuloy na pagsusumikapan ng Simbahan na ipaabot at ibukas ang kamalayan ng mga mamamayan sa panganib na hatid ng naturang batas na maaring maabuso at gamitin laban sa mga inosenteng indibidwal.
“Hindi naman dahil nilagdaan na, hindi naman dahil naging batas na yan ay tapos na ang laban kasi meron pa sa Supreme Court at alam naman natin lahat ng batas kapag yan ay hindi makatarungan walang bisa kaya nga pinagsisikapan din natin na ipaabot sa tao ang pagkapeligroso ng batas na ito na talagang gagamitin ito sa pang-aabuso…”Dagdag pa ni Bishop
Nauna rito, umaasa si CBCP-NASSA/Caritas Philippines Vice-Chairman na magkaisa at manindigan ang mga Filipino upang ipakita ang pagtutol sa kontrobersiyal na batas.
Read: https://www.veritas846.ph/manindigan-laban-sa-anti-terror-act-of-2020-panawagan-ng-mamamayan-sa-taongbayan/
Ika-3 ng Hulyo ng lagdaan ni Pangulong Duterte ang Anti-Terrorism Act of 2020 na nauna ng sinertipikahan bilang ‘urgent’ na panukala na mag-aamyenda sa kasalukuyang Anti-Terrorism Law ng bansa.
Sa ilalim ng naturang batas pinapalawig ang panahon na maaring ikulong kahit wala pang kaso ang mga hinihinalang terorista sa loob ng hanggang 24 na araw kumpara sa 3-araw lamang na nasasaad sa kasalukuyang Anti-Terrorism Law.
Bukod pa dito ang pagpapalawig sa panahon na puwedeng manmanan ang mga hinihinalang terorista hanggang sa 60-araw mula sa dating 30-araw.
Hindi na rin kakailanganin sa ilalim ng panibagong batas na makasuhan ang mga otoridad sakaling magkaroon ng wrongful arrest.
Hiniling na rin ng grupo ng mga abogado at educators sa Korte Suprema na maglabas ng Temporary Restraining Order o TRO laban sa nilagdaang batas ng Pangulong Duterte.