276 total views
Inaanyayahan ni incoming Prefect for the Congregation of the Evangelizations of Peoples, Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang lahat para sa kaligtasan ng mamamayan lalu na ang mga naapektuhan ng pagliligalig ng Bulkang Taal.
Hiling ni Cardinal Tagle sa Panginoon ang ibayong kalinga na matulungan sa pagharap ng kasalukuyang pagsubok bunsod ng natural na kalamidad na idinudulot ng bulkan.
Ayon pa kay Cardinal Tagle, tanging ang Diyos ang may kakayanan upang pahupain ang bulkan na kasalukyang patuloy sa pagbubuga ng abo na umaabot na sa mga karatig lalawigan.
Higit na inaalala ng Cardinal ang kaligtasan ng mga matatanda, may karamdaman at iba pang nangangailangan ng pagkalinga upang maging ligtas sa sakuna at kapahamakan dulot ng aktibidad ng bulkang Taal.
Batay sa tala ng Philvocs, nakataas sa alert level 4 o lubhang mapanganib ang kalagayan ng bulkan at malaki ang banta ng malakas na pagsabog dahil sa mga ikinikilos nito sa kasalukuyan kaya’t mariin ang paalala nito sa publiko na lumikas at patuloy na maging handa sakaling sumabog ito.
Nanawagan din si Cardinal Tagle sa mamamayan na nawa’y nakahanda itong lumingap sa pangangailangan ng mga apektadong residente at maging ang pangangalaga sa kalikasan na bahagi ng likha ng Poong Maykapal.
PANALANGIN
Dios na makapangyarihan, muling kaming humaharap sa pagsubok dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Napakaliit namin upang harapin ang lakas ng bulkan.
Subalit naniniwala kaming mapapahupa ng Iyong kamay ang bangis nito. Iligtas mo po kami sa kapahamakan, lalo na ang mga mahihirap, may karamdaman, mga bata at nakatatanda at nag-iisa.
Paigtingin mo rin sa amin ang pagdadamayan, pagmamalasakit at pangangalaga sa kapwa at kalikasan. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo, Amen.
Maria, Ina ng Awa, ipanalangin mo kami.
San Miguel Arkanghel, ipanalangin mo kami.
San Jose, ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.