516 total views
August 24, 2020
Kinundina ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang planong pagtatatag ng isang revolutionary government ng ilang taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Obispo, maituturing na pagtataksil sa bayan ang naturang hakbang na wala namang sapat na dahilan at isang tahasang paglabag sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Iginiit ni Bishop Pabillo na pamamaraan lamang ito upang mapanatili sa kapangyarihan ang mga nasa posisyon na isang tahasang paglabag sa Konstitusyon at hindi rin napapanahon sa gitna ng pandemyang kinahaharap ng bansa dulot ng COVID-19.
Inihayag ng Obispo na dapat manaig at sundin ng mga Filipino ang Saligang Batas ng bansa kung saan nasasaad dito ang succession of powers at iba pang probisyon na naglalayong maiwasan ang muling paniniil sa kalayaan at mga karapatan ng mga mamamayan.
“Tayo po ay may Konstitusyon at dapat tayo sumunod sa Konstitusyon kaya ang Revolutionary Government na gusto nilang ituon ibig sabihin tanggalin yung Konstitusyon at hindi tama yun, wala namang dahilan at ang nakikita natin itong Revolutionary Government na gusto nila ay paraan lamang yan na magpapanatili sa kanilang kapangyarihan na hindi dapat may check in balances tayo at ganun din kailangan din natin na nakalagay naman sa Konstitusyon ano yung succession of powers hindi ayon sa gusto nila.” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Binigyang diin rin ng Obispo na bukod sa pagtataksil sa bayan ay hindi rin makatarungan at maituturing ding immoral ang planong pagtatag ng isang revolutionary government na naglalayong patalsikin ang kasalukuyang gobyerno at muling maitalaga ang pangulo bilang pinuno nito.
“Kaya yan po ay hindi makatarungan at yan ay immoral na ganyan ang ipagagawa, that is seditious, that is being a traitor to the country…“ Dagdag pa ni Bishop Broderick Pabillo.
Ika-22 ng Agosto ng magkaroon ng pagtitipon ang Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee sa Clark Freeport na nagsusulong sa pagtatatag ng revolutionary government.
Iginiit naman ni Ozamiz Archbishop Martin Jumoad na hindi dapat pag-aksayahan ng panahon ang revolutionary government sa halip ay tutukan ang COVID-19 pandemic.
Read: https://www.veritas846.ph/opisyal-ng-cbcp-no-sa-revolutionary-form-of-government/