6,887 total views
Mga kapatid, magandang umaga po sa inyong lahat.
Magpasalamat tayo sa Diyos, binigyan N’ya tayo ng magandang panahon, at nagkakasama-sama po tayo.
Sabi ni sister, first time kong magmisa sa covered court, kasi dati sa chapel, e ito nga malaki nga ang covered court parang na doble yata ang attendance, natriple pa, so maraming salamat ho sa inyo.
Nakakatuwa pong magmisa dito dahil dito n’yo rin maririnig ang pagkanta ng isa sa pinaka magagaling na choir sa Pilipinas, ang choir dito, ‘no ho? Bigay na bigay, at nagulat ako kasi dati akong pari sa Cavite, na-assign ako sa Tagaytay, yung mga kinompose na kantang pangmisa ng mga seminarista doon hindi naman naging sikat e pero kinakanta dito, katulad yung kanina yung sumigaw sa galak. Kami ang may gawa nun e.
Nakalimutan na ng mundo kasi may mas mga sikat na heswita pero dito hindi nakakalimutan ang mga awit galing sa Tahanan ng Mabuting Pastol sa Tagaytay. Mamaya, umawi pa kayo.
Yun hong pagbasa natin, lalo na yung ebanghelyo ay tungkol sa pagdalaw ng Mahal na Birhen sa kan’yang pinsan, kamag-anak na si Elizabeth. Kung kayo po ay nagrorosaryo, yung visitation, ang pagdalaw ay isa sa mga Joyful Mysteries.
Ito ay isa sa mga misteryo na nagbibigay ng aliw, galak, misteryo ni Hesus. Parang sa atin ‘no? ano ba naman ang misteryo, dumalaw lang. Bakit pinalalalim pa natin? Bakit ginagawang komplikado? Dumalaw lang naman e, bakit napabilang sa mga misteryo? Aba! Napaka lalim ng kahulugan. Kasi po yung pagdating ni Hesus, yung Kan’yang pagkakatawang tao, naging tao, pagdalaw yan e, dumalaw S’ya, pero hindi na umalis, dumalaw at naging kapiling natin. Yung ibang dumadalaw, pagkatapos dumalaw aalis. Si Hesus, dumalaw, nanatili. Ang tawag Emmanuel, ang Diyos, nasa atin, ang Diyos, kapiling natin, hindi lang bisita ang Diyos, ang Diyos kapiling natin.
Pagdalaw. Tayong mga pilipino mahilig din naman tayong dumalaw, ano ho? Lalo na kapag may okasyon. Kaya lang ngayon po ginagawa nating malaking problema ang pagdalaw, bakit? Iniisip natin ano ba ang bibitbitin ko? Ano ba ang ibibigay ko pag dumalaw ako. Kapag ang dadalawin mo ay medyo, alam mo na may sinasabi sa buhay. Nakakahiya naman na ang pagdalaw mo ang dala mo lang ay biskwit kaya namomroblema ka. “Big time tong dadalawin ko e, dapat naman ang dala dala ko ensaymada!” Ayan ha medyo, kaya pinoproblema natin yan e sinusukat natin yung dadalawin.
Kapag ang dadalawin parang kapantay ko lang o kaya mababa sa akin e pwede na d’yan ano sprite, pwede na d’yan chocnut mga ganyan. E pero kung ang dadalawin mo bigtime, kailangan yata d’yan Red Ribbon! Kaya yung pagdalaw, sa halip na misteryo ng kaligayahan, nagiging problema ng gastos.
Pero si Maria, ano yung pagdalaw n’ya? Ano yung bibit n’ya? Mukhang wala naman e, ang bitbit n’ya, ang kan’yang pakikiisa sa kan’yang pinsan. Ibig n’yang dumamay sa kaligayahan at tumulong at higit sa lahat, nasa sinapupunan ni Maria si Hesus. Hindi mapapantayan yan ng kahit anong bitbit. Kapag dumalaw, dalhin si Hesus. Dalhin ang Kan’yang pakikipagkapwa tao, dalhin ang Kan’yang pagdamay, dalhin ang Kan’yang ngiti, dalhin ang Kan’yang salita na nakakapawi ng mga mabibigat na pasanin.
Kaya nga dumating sa atin si Hesus, kaya dumating si Hesus kay Maria, para bitbitin ni Maria si Hesus, saan man s’ya pumunta. Si Hesus, patuloy na dadalaw sa ibang tao sa pamamagitan natin. Dalhin natin si Hesus sa kahit sinong tao na ating madadalaw. Siguro pagkatapos ng misa babalik yung iba sa inyo sa ano n’yo, o sa selda, edi pagbalik n’yo don, parang dadalaw kayo don sa mga naiwan don. Dalhin n’yo ang salita ng Diyos, dalhin n’yo si Hesus.
Pero hindi lang naman tayo ang dumadalaw, tayo rin, dinadalaw. Nakakalungkot lang minsan kapag walang dalaw ano ho? Pero sabi ko nga kanina, lalo na sa ganitong panahon nab aka yung iba sa inyo talagang naghihintay sana, makadalaw ang mga mahal sa buhay.
Palagay ko naman yung iba sa inyo mabibigyan ng ganyang regalo, may dadalaw. At para dun sa iba na walang dadalaw, sana maging sensitive tayo. Kung alam n’yo na walang dalaw yung kasama n’yo, wag n‘yo nang iinisin.
“Wow nakatanggap ako ng ano, ikaw ba meron?”
“Wala.”
“Kawawa ka naman!”
Wag naman, wala s’yang dalaw, ikaw ang dumalaw, ikaw ang magdala ng pagdamay at kaligayahan. At higit sa lahat, higit sa lahat katulad ng sinabi ko kanina, si Hesus katulad nung unang pasko, dumalaw, pero hindi na umalis. Para sa mga walang dalaw sa araw ng pasko, imulat mo ang mata mo, si Hesus dumadalaw sa iyo.
Si Hesus, mahal ka! Si Hesus hindi ka kakalimutan at hindi ka iiwan.
May pakiusap pa ako sa inyo ho, itong ating mga guards, itong ating mga warden, meron din silang mga pamilya e, pero dahil sa tungkulin, hindi rin sila makadalaw. Kaya dalawin n’yo din sila, ngitian n’yo.
“O sir, ngitin naman d’yan!”
Para lahat tayo ay makaranas, pag-ibig ni Hesus ang Pasko.
Tatapusin ko po ito sa isang kwento. Nung ako ho ay Obispo pa sa Cavite, basta bago magpasko nagmimisa ako doon sa Provincial Jail. At dahil ang katedral ay nasa Imus, dalawa ang aking Christmas Eve Mass yung December 24 ng gabi. Ang una kong misa ng Pasko, yung gabi ng bago magpasko ay sa Imus City Jail. Inuuna ko yun bago ako magmisa sa Katedral.
Sabi ko nga sa katedral, “naisilang na si Hesus sa City jail, nauuna don kaysa dito sa katedral.” Binibiro ko sila, ‘no ho?
Dun ho sa minsan nagmisa ako, simbang gabi talaga alas kwatro sa Trese Martires, sa Provincial Jail. Pagkatapos ng misa edi 5:30, umiikot kami doon sa mga selda. Yung isang selda, medyo masikip may mga nakatayo, naghahalinhinan sila kapag may gumagamit ng kama nakahiga, yung iba naman nakatayo. Tapos tatayo naman yung nakahiga, yung nakatayos sila naman ang hihiga. Ano e, exchange gift, parang ganyan. Tapos, ano ako e, bati, bati ganyan.
Nung paalis na ako may sumigaw, “Bishop! May gusto pang bumati sayo!”
Sabi ko, “Nasaan?”
“Hayun sa sahig!”
Nakadapa. Edi nilapitan ko, lumuhod ako kasi nakadapa s’ya e.
“Kumusta ho?”
“Eto ho, ano ko ho e, turn ko para dumapa.”
Edi nakaluhod ako, hindi ko alam ang sasabihin ko. Sabi ko nalang e, “Magpapasko na, ano ba? Kumusta ho kayo? Pasko na, nararamdaman n’yo ba ang pasko?”
Sabi n’ya, “Marami hong hindi sigurado sa buhay ko. Hindi ko alam kung makakalaya ako. Hindi ko alam kung pagnapalaya ako, hindi ko alam kung tatanggapin ako ng aking pamilya, mga kaibigan, hindi po sigurado yun.”
Tapos sabi n’ya, “Pero Bishop, isang bagay po ang sigurado, mahal ako ni Hesus.”
Tapos sabi n’ya, “Tuloy po ang pasko, kaya tuloy po ang pasko.”
Nung Christmas na yun, parang s’ya ang nagturo sa akin, sabi ko, “dinalaw ako ni Hesus sa pamamagitan ng isang bilanggo.” Na nagpaliwanag sa akin, ano ang kahulugan ng pasko. Maraming hindi sigurado, isa lang ang sigurado, sabi n’ya mahal ako ni Hesus kaya tuloy ang pasko.