368 total views
Posibleng umabot mahigit 17-libo ang mga magsisilikas na residente ng Batangas dulot ng patuloy na pagliligalig ng Bulkang Taal.
Ayon kay Renbrandt Tangonan, Communications and Advocacy Officer ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC), naghahanda na ang simbahan para sa pangangailangan ng mga apektadong residente.
Mamahagi ang LASAC ng 1,655 N95 face masks sa bayan ng Laurel at Agoncillo, Batangas dahil na rin sa panganib sa kalusugan na dulot ng asupreng ibinubuga ng bulkan.
Nanawagan naman ang social arm ng Arkidiyosesis ng Lipa ng tulong para sa mga apektadong residente.
Maliban sa mga cash or in-kind donations kinakailangan din ang karagdagang suplay ng mga N95 face mask.
“Patuloy tayong nananawagan ng tulong para sa kanila, sapagkat sa darating pang mga araw, inaasahang papalo sa higit 17,985 ang estimated number of internally displaced persons o mga evacuees. Ito ay kumakatawan sa 4,296 na mga pamilya at 3,283 na sambahayan,” ayon kay Tangonan sa Radio Veritas.
Katuwang ng LASAC ang lokal na pamahalaan ng Batangas upang tugunan ang mga kinakailangan ng mga residenteng nauna nang nagsilikas na umaabot sa 1,824 indibidwal o 478 pamilya.
Batay naman sa huling ulat ng PHIVOLCS, nakataas pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal, kung saan nakapagtala ito ng 3 mahihinang phreatomagmatic explosion at 48 volcanic earthquakes.
Patuloy rin ang pagbuga ng sulfur dioxide mula sa bulkan na aabot sa 10,254-toneladang usok ang nilalabas kada araw na nakakaapekto hindi lamang sa Batangas kundi hanggang sa Metro Manila, at karatig na mga lalawigan.
Mahigpit na ipinapaalala ng PHIVOLCS ang pagsusuot ng N95 facemasks upang maiwasang makalanghap ng asupre, at ang pagbabawal sa pagpasok sa Permanent Danger Zone, at mga high-risk barangays kabilang na sa Agoncillo at Laurel, Batangas.