331 total views
Malaki ang naging ambag ni Prelatura ng Infanta Bishop Emeritus Julio Xavier Labayen, OCD sa pagpapatatag ng adbokasiya ng Simbahang Katolika sa Pilipinas sa pagtulong sa mga mamahihirap.
Ito ang ibinahagi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa pagpanaw ng 90-taong gulang na Obispo ng Infanta, Quezon.
Inihayag ni Bishop Pabillo na ang pagiging “Church of the Poor” ng Simbahan sa Pilipinas ang naging pangunahing adbokasiyang isinulong ni Bishop Labayen magmula pa noong 1970’s na tuluyang tinanggap ng buong Simbahan noong PCP2.
Bukod dito, si Bishop Labayen rin ang naging utak at nagpasimula ng NASSA o National Secretariat for Social Action ng Catholic Bishops Conference of the Philippines at nagbuklod sa dating hiwa-hiwalay na ministeryo ng Simbahang Katolika.
“Nalulungkot po tayo sa pagpanaw ni Bishop Labayen kasi siya po ay may malaking papel na ginawa sa Simbahan natin sa Pilipinas. Ang malaking ambag niya po siya po yung talagang nagtulak sa maraming taon yung pagiging Church of the Poor at yan po ay tinanggap naman ng buong Simbahan noong PCP2 pero simula pa 1970s siya po ang nagtulak nun. At dahil po dyan sa kanyang adbokasiyang yan siya rin po yung naging Head ng NASSA ng Social Action at dyan po nagsimula yung NASSA natin ngayon na sa buong bansa noon kasi hiwahiwalay ngayon sama sama na sila. Kaya nga ipagdasal natin na sana ang kanyang trabaho ay maipagpatuloy…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas
Tiwala si Bishop Pabillo na maipagpapatuloy ng mga susunod pang henerasyon ang sinimulang adbokasiya ni Bishop Labayen na mahigit 40 taon nitong paglilingkod sa Prelatura ng Infanta, Quezon bago nagretiro noong July 24, 2001.
Isinilang sa Talisay, Negros Occidental noong Hulyo 23, 1926 at binawian ito ng buhay noong Miyerkules ganap na alas-6:52 ng umaga sa edad na 90-taong gulang.