227 total views
Ipinagbabawal na ang pagdadala ng mga bag tulad ng mga backpack at knapsacks sa loob ng simbahan sa Archdiocese of Davao.
Ito ayon sa inilabas na circular letter ni Davao Archbishop Romulo Valles bilang bahagi ng ‘security measure’ na ipinatutupad ng simbahan sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police.
Ang liham ay may petsang January 29, 2019 na ipinadala sa mga parokya at mga kapilya sa Davao upang ipaalam sa mga mananampalataya ang kautusan bilang bahagi ng pag-iingat na ipinapatupad.
Ayon pa sa liham ni Archbishop Valles, tanging malilit na bag lamang ang maaring ipasok sa loob ng mga simbahan.
“Brothers and Sisters, due to the current peace and order situation vis-à-vis of violence, please be informed that starting today, for all churchgoers, is not allowed to bring with you bags, backpacks, knapsacks, boxes, cartons and the like into the church. Only small purses and the like are allowed. Please be guided accordingly,” ang bahagi ng circular letter ni Archbishop Valles.
Ang kaparehong kautusan ay una na ring ipinag-utos ni Davao City Mayor Sarah Duterte para sa mga simbahan at lahat ng lugar dalanginan dulot na rin ng naganap na pagpapasabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Ang Davao ay nasasakop sa umiiral na martial law sa buong Mindanao habang ipinag-utos na rin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘heightened alert’ sa buong bansa.
Linggo (January 27) nang maganap ang pagsabog sa Jolo Cathedral kung saan 27 ang nasawi, habang dalawa naman ang nasawi sa pinakahuling pagsabog sa isang mosque sa Zamboanga City.