419 total views
Nagtipon-tipon ang mga pari, at lay leaders ng mga Parokya na sakop ng Arkidiyosesis ng Maynila para talakayin ang tungkol sa pamamahala sa mga parokya na kapaki-pakinabang sa mamamayan.
Ang kauna-unahang stewardship summit ng arkidiyosesis ay pinangunahan ni Bishop Broderick Pabillo ang katuwang na obispo ng Maynila.
Layon ng pagtitipon na magkaroon ng pagbabago at maalis ang arancel system sa mga parokya o ang pagbibigay ng exact rate sa mga serbisyo ng simbahan tulad ng pagtanggap ng mga sakramento.
“Ang isang goal natin ay matanggal ang arancel [system] and to promote more spirituality and more missionary aspects sa buong simbahan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Hangarin din ng pagtitipon na maisulong ang diwa ng paglilingkod sa kapwa at maipakita ang pagiging misyonero ng Simbahang Katolika na lumilingap sa mamamayan.
Sa paunang pahayag ni Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle, sinabi nitong mahalaga ang partisipasyon ng bawat mananampalataya sa pag-alis ng arancel system dahil bilang bahagi ng Simbahan dapat tumulong ito sa pagpapalawak ng mga serbisyo at paglilingkod sa kapwa.
Ito ay nakabatay sa sinasaad sa Second Plenary Council of the Philippines noong 1991 sa ilalim ng decree 118 hinggil sa ‘tithing’ at tuluyang pagbuwag sa arancel system.
Binigyang diin ni Bishop Pabillo na sa arancel system ay nagkakaroon ng diskriminasyon sa mga mahihirap na walang sapat na salapi para sa mga serbisyo ng Simbahan.
Iginiit ng Obispo na dapat mabago ang ganitong uri ng pananaw hinggil sa mga sakramento na dapat libreng matatanggap ng bawat mananampalataya.
Batay sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Evangelii Gaudium, dapat manatiling kumakalinga ang Simbahan sa mga dukha sa lipunan bilang pagpapahalaga sa kanilang hanay tulad ng mga gawain ni Hesus.
Sinabi pa ni Bishop Pabillo na maipahayag lamang sa mga dukha ang ‘preferential religious care’ sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng serbisyo sa kanilang sektor.
Umaasa si Bishop Pabillo na sa pakikisa ng mga Pari at mga laykong lingkod ng Simbahan ay maipatupad ang ibang pamamaraan sa paghahanap ng pondo para sa parokya bukod sa kasalukuyang arancel system.
“Sana pagkatapos nito [stewardship summit] pag usapan by parishes at desisyonan nila para maging operational na siya in 2021.” ani ni Bishop Pabillo.
Inihayag ng Obispo na kailangang magbalik handog sa Panginoon batay na rin sa nasusulat sa Bibliya bilang pasasalamat sa mga biyayang kaloob.
Hamon ng Obispo sa mga parish leader na agad matalakay at masimulan sa kanilang mga parokya upang magiging ganap na sistema ito ng Simbahan sa Pilipinas sa 2021 ang taon ng ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo sa bansa.
Ilan sa mga halimbawang maaaring ipalit sa arancel system na nakabatay din sa bibliya ay ang Handog Katiwala, Balik Handog, Handog Pananalig at Handog Pag-ibig o Love Offering na kusang loob lamang ng mananampalataya ang pagbibigay ng kanilang share sa Simbahan na walang itinakdang presyo.
Ilan sa mga diyosesis sa Pilipinas ang nagbuwag ng arancel system kung saan sa pamamagitan ng kanilang Basic Ecclesial Communities ay napapanatili ang operasyon ng mga Simbahan at tinatamasa ng nasasakupang mananampalataya ang libreng serbisyo at paglilingkod ng Simbahang Katolika.