383 total views
Napagkasunduan ng mga pari ng Diocese ng San Pablo na hindi mag-aarmas o magkakaroon ng baril.
Ito ang iniulat ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Clergy batay sa resulta ng isinagawang pagpupulong ng mga pari sa diyosesis kahapon.
“We came up with a common policy. Each will not own a gun.” pahayag ni Bishop Famadico sa Radio Veritas.
Tutol ang Obispo sa pagkakaroon ng baril ng isang pari dahil taliwas ito sa misyon ng Simbahan na magpalaganap ng kapayapaan sa lipunan.
Ayon kay Bishop Famadico, kung mayroon mang pari na nagmamay-ari ng baril ay hikayatin niya itong makipamuhay sa kapwa pari kung saan pinahahalagahan ang kawalang karahasan sa lipunan at higit na isinasabuhay ang mga turo ng Panginoon.
“I will talk with him and convince him to unite himself with his fellow priests in living out the value of non-violence.” dagdag pa ng Obispo.
Noong Linggo ika- 17 ng Hunyo ay kumalat ang ulat na may ilang pari sa Laguna ang nagdadala ng baril bilang proteksiyon sa sarili dahil na rin sa sunod-sunod na pamamaril at pagkakapaslang sa mga pastol ng simbahan.
Sa 4 na biktima ng pamamaril 3 dito ang nasawi sina Fr. Mark Anthony Ventura ng Gattaran Cagayan, Fr. Marcelito Paez at Fr. Richmond Nilo na kapwa mula Nueva Ecija.
Nanindigan naman si CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na hindi nararapat na mag-armas ang mga pari.
Sa mensahe ng Obispo sa pagtatapos ng mga recoveries sa Salubong Drug rehabilitation program ng Diocese ng Caloocan noong ika – 11 ng Hunyo, sinabi nitong kabiguan para sa mga otoridad na tagapagpatupad ng batas ang panukalang pag-aarmas sa mga pari.