257 total views
Hiniling ni Digos Bishop Guillermo Afable sa mga Filipino ang taimtim na panalangin para sa kaligtasan ng mamamayan sa Mindanao partikular sa Digos Davao Del Sur na nakaranas ng malakas na lindol ganap na alas 2:11 ng hapon.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ng obispo na bukod tanging pagdarasal ang mabisang pamamaraan upang maiadya sa anumang kapahamakan ang sanlibutan.
“Nanawagan ako sa mga Filipino na sama-sama tayo to pray the Holy Rosary especially today, because this is the best thing to do in times of danger,” pahayag ni Bishop Afable.
Kasalukuyang nararamdaman ang pagyanig sa malaking bahagi ng Davao region kung saan ayon sa Philvocs naitala ang 6.9 magnitude na lindol Hilagang Kanluran ng bayan ng Padada sa Davao Del Sur.
Dalangin ni Bishop Afable ang kaligtasan ng mananampalataya sa rehiyon habang patuloy itong naghihintay ng ulat mula sa mga pari sa mga parokyang apektado.
Nawalan din ng suplay ng kuryente ang ilang bahagi ng Davao Del Sur dulot ng pagyanig.
Naramdaman ang intensity VI sa Matanao Davao Del Sur kung saan ang lindol ay may tectonic origin at may lalim na 30 kilometro.
Magugunitang patuloy pa rin ang pagbangon ng North Cotabato kasama na ang ilang lugar sa Davao Del Sur dahil sa magkakasunod na lindol noong Oktubre na ikinasawi ng mahigit sa 20 indibidwal.