319 total views
July 7, 2020, 1:52PM
Nangangamba si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na maging dahilan ang Anti-Terrorism law sa pagdami ng mamamayang diskuntento sa kasalukuyang administrasyon.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na ito ay dahil sa paglikha ng batas na hindi naman tutugon sa pangunahing suliranin na kinakaharap ng bansa lalu sa COVID-19 pandemic.
Ito ang pahayag ng obispo sa ginanap na online press conference sa isinusulong na Junk Terror Law at Uphold PH Constitution kasama ang mga kinatawan mula sa CBCP-Nassa, Non-government Organization at civil society.
Tinukoy ni Bishop Pabillo ang patuloy na paglala ng suliranin ng mga Filipino dahil sa banta ng virus na nagreresulta ng kakulangan sa trabaho, public transport at pagkagutom ng maraming mamamayan.
“Ang anti-terror law ay hindi naman nakakatugon sa mga problemang ito. Ang mga problemang ito ay ang ugat ng terorismo, kung hindi matutugunan ang mga ito patuloy na magiging diskuntento ang mga tao at madali silang maakit ng mga grupo na naghahanap ng gulo sa lipunan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Nag-aalala ang obispo na dahil sa anti-terror law at malawakang kagutuman ang maging dahilan ng mamamayan na mahikayat na lumahok sa mga grupong laban sa pamahalaan.
Ipinagdarasal ni Bishop Pabillo na kontrobersiyal na batas ay magiging ugat ng terorismo kapag hindi matutugunan ang pangunahing pangangailangan ng mamamayan.
Aminado ang Obispo na nakakagalit at nakakalungkot ang paglagda ng Pangulong Rodrigo Duterte sa isang batas na hindi masusing pinag-aralan.
“Sa totoo lang ang anti-terror law ay hindi naman laban sa terorista. Ito ay pampanakot sa mga tao na nakakaranas ng kapalpakan ng pamahalaan sa pagtugon sa basic services at kasalukuyang pandemya. Ang batas na ito ay madaling gamitin laban sa mga taong nanawagan ng pagbabago sa pamahalaan,” dagdag pa ng obispo.
Nilinaw naman ni Bishop Pabillo na ito ay ang kaniyang personal na opinion at hindi bilang kinatawan ng anumang grupo.