1,543 total views
Nanawagan ang Obispo ng Cabanatuan Nueva Ecija sa mga opisyal ng pamahalaan na pakinggan ang hinaing ng mga magsasaka na labis apektado sa paghina ng sektor ng agrikultura bunsod ng ilang polisiyang ipinatutupad sa bansa.
Ayon kay Bishop Sofronio Bancud, dapat suriin ng gobyerno ang kasalukuyang kalagayan ng mga magsasaka na nanawagang palakasin ang kanilang sektor na nahaharap sa tuluyang pagbagsak at pagkawala.
“Panawagan ko sa pamahalaan, to those who really cares and pro-farmers na nakapwesto; they should listen to the cry of these farmers,” pahayag ni Bishop Bancud sa Radio Veritas.
Magugunitang inalmahan ng mga magsasaka ang mababang farmgate price ng palay sa 7 piso kada kilo subalit mahigit sa 40 piso naman ang kada kilo ng bigas sa pamilihan.
Sa pahayag ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon, iginiit ng grupo na ang Rice Tariffication Law o malayang pag-aangkat ng bigas ang dahilan sa paghina ng sektor ng pagsasaka sa bansa.
Naninindigan ang mga farmer groups na sa ilalim ng nasabing batas ay talo ang mga magsasaka sapagkat hindi na bumibili sa mga lokal na magsasaka ang mga rice retailers dahil sa tambak na suplay ng imported na bigas sa mga pamilihan.
Sa pagsisiyasat ng Social Action Center ng diyosesis ng Cabanatuan, nalulungkot ang mga magsasaka sa napakababang presyo ng palay at mariing nanawagan na wakasan na ang rice importation sa bansa.
“Napakababa it’s almost like giving away there harvest,” ani ni Bishop Bancud.
PAHALAGAHAN ANG SEKTOR NG PAGSASAKA
Nanawagan naman ang grupong Bantay Bigas sa mamamayan at lahat ng sektor na magkaisang manawagan para repasuhin ang Republic Act No. 11203 at pagpatupad sa House Bill 477 o ang Rice Industry Development Act at House Bill 239 o Genuine Reform Bill.
Pinuna rin ng Bantay Bigas ang alok na pautang ng gobyerno dahil hindi ito makatutulong sa magsasaka kundi mas lalo itong magpapalubog ng kanilang sektor.
“Hindi sapat at hindi signipikanteng tulong ang credit assistance program. Magiging dagdag pagkakautangan lang itong SURE Aid (Expanded Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers), pero sa esensiya wala kang binago sa umiiral na kalagayang bagsak ang presyo ng palay,” pahayag ni Cathy Estavillo,
Tiniyak ni Estavillo na kung manatiling 7 hanggang 10 piso ang kada kilo ng palay ay lalong mababaon sa utang ang mga magsasaka na walang kakayahang magbayad at kapos ang araw-araw na kita.
Sinang-ayunan ni Bishop Bancud ang pahayag ng grupo kung saan sinabing ipit na ipit ang mga magsasaka sa kasalukuyang sitwasyon.
“Paano sila makakabayad [sa utang] especially yung small farmers?” saad ni Bishop Bancud.
Ang Nueva Ecija ay tinaguriang ‘rice granary’ ng Pilipinas kung saan sa tala gn Philippine Statistics Authority noong 2017 nangunguna ito sa rice producing provinces sa bansa na umaabot sa halos 2, 000 metriko toneldang palay.
Umaasa si Bishop Bancud na matugunan ng pamahalaan ang panawagan ng mga magsasaka at matulungang makabangon sa pagkalugi dahil sa mababang presyo ng palay habang patuloy na gumagawa ng hakbang ang diyosesis na matulungan ang sektor ng pagsasaka na apektado sa suliranin.