235 total views
Umaasa ang isang opisyal ng CBCP – Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care na hindi magamit na argumento sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa ang nakaambang pagpapalaya sa convicted rapist and murderer na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Ayon kay Bro. Rudy Diamante – Executive Secretary ng kumisyon, hindi dapat magpalinlang ang mamamayan sa ginagawang pamumulitika sa usapin upang maisulong ang muling pagsasabatas ng Death Penalty sa Pilipinas.
“Sana po huwag naman itong maging argumento kasi parang ganoon ang ginagawa ‘ayan kung may bitay bitay na yan si Sanchez hindi na poproblemahin’ kaya nga sinasabi namin pinupulitika yan ngayon na mainit yung pagsusulong ng parusang bitay baka gawin pa nilang argumento yan…” pahayag ni Diamante sa panayam sa Radyo Veritas.
Nanindigan si Diamante na hindi dapat maabuso ang Republic Act (RA) 10592 o ang conditional expanded Good Conduct Time Allowance na magpapalaya sa mga bilanggo na nakapagpakita ng good behavior sa loob ng bilangguan.
Aminado si Diamante na ang lahat ng tao ay karapat-dapat na magkaroon ng pangalawang pagkakataon upang makapagbagong buhay na hindi nakita at naipamalas ni Sanchez matapos mahulihan ng malaking halaga ng shabu sa loob ng selda.
“Sana palawakin pa yung pagbibigay ng tamang impormasyon tungkol dun sa puso nung batas, everybody naman believes that a person should be given a second chance pero dapat yung second chance na ito ay naipapakita din niya yung kanyang kabutihan sa loob and in the case of Mayor Sanchez nakitaan ito ng paglabag hindi lamang doon sa rules ng BuCor but pati sa batas ng makuhanan ng shabu. Hindi ko lang alam kung bakit hindi nakasuhan”. Paglilinaw ni Diamante
Nasasaad sa Republic Act (RA) 10592 o ang Conditional Expanded Good Conduct Time Allowance ang paggagawad ng kalayaan sa mga bilanggo na nakapagpamalas ng good behavior sa loob ng piitan kung saan posibleng umabot sa mahigit 11,000 mga bilanggo ang mapalaya.
Si dating Calauan Mayor Sanchez ay pinatawan noong 1995 ng seven counts of reclusion perpetua o habang buhay na pagkabilanggo na katumbas na pitong-40 taong pagkakabilanggo dahil sa pagkakapaslang sa mga estudyante ng University of the Philippines-Los Baños, Laguna na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.
Nakasaad sa panlipunang katuruan ng Simbahan na ang bilangguan ay dapat na magsilbing pansamantalang tuluyan ng mga naligaw ng landas at maging daan sa muling pagbabalik ng kabutihan sa puso at isip ng mga nagkasala.