284 total views
Tiniyak ng samahan ng mga mag-asawa sa bansa ang pagtututol sa mga panukalang laban sa kasagraduhan ng kasal.
Ito ayon kay Robert Aventajado, pangulo ng Marriage Encounter Foundation of the Philippines matapos ang proklamasyon ng mga bagong halal na Senador na kinabibilangan ng mga nagsusulong ng same sex marriage.
Umaasa si Aventajado na bilang isang kristiyanong bansa na may pananalig sa diyos ay mapagtanto ng bawat isa na labag ito sa turo ng panginoon dahil ang kasal ay para lamang sa isang babae at isang lalaki.
Iginiit ni Aventajado na hindi dapat manahimik ang mga mananampalataya bagkus kumilos upang hindi maisabatas ang mga death bill at anti-family bills na maglalagay sa panganib sa katatagan ng pamilyang Filipino.
“Meron tayong dapat gawin hindi tayo pwedeng manahimik dyan. Kailangan yung mga kasamahan natin na mananampalataya ay maunawaan nila itong isyu na ito. Magkakaroon tayo dapat nang pagkilos tungkol dyan para malabanan ‘yan dahil alam natin yan ay makakasama sa atin,” ayon kay Aventajado.
Ang MEFP ay samahan ng mga mag-asawa sa Pilipinas na kinabibilangan ng 86 na grupo na may tinatayang 500 libong couple members sa buong bansa.