220 total views
Umaapela ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care sa Parole and Probation Administration, mga Prison volunteer at sa mamamayan na maging mapagmatyag at mapagbantay sa mga bilanggong lumalaya sa bansa.
Iginiit ni Bro. Rudy Diamante – Executive Secretary ng kumisyon na kailangang matiyak na ang mga mapapalayang bilanggo ay karapat-dapat na mabigyan ng pangalawang pagkakataon at hindi dahil sa pera lipunan at konsiderasyong pampulitika.
Inihayag ni Diamante na mariin ang paninindigan ng Simbahan sa pagsusulong ng reporma upang matiyak ang katarungang panlipunan na nakabatay sa pagkakaroon ng maayos na justice system ng bansa.
“Dapat maging mapagmatyag tayo, yun ang hinihiling namin sa aming mga Volunteers in Prison, ganun na din sa aming partners sa Parole and Probation Administration na i-monitor yung mga taong lumalaya na hopefully hindi ito lalaya na out of para bang political consideration or out of corruption, yan ang stand ng Simbahan kasi we always look into how to go about reforming the kind of justice system that we have…”pahayag ni Diamante sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang inihayag ni Diamante na hindi magamit na argumento sa pagbabalik ng parusang kamatayan ang napurnadang pagpapalaya sa convicted rapist at murderer na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez sa ilalim ng Republic Act (RA) 10592 o ang conditional expanded Good Conduct Time Allowance.
Read: Mayor Sanchez, kinakasangkapan sa muling pagsasabatas ng death penalty
Batay sa tala ng Bureau of Corrections (BuCor) mula taong 2013 ay umabot na sa 22,049 ang mga bilanggong napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) kung saan 1,914 dito ay nakagawa ng heinous crimes.
Ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na napalaya sa ilalim ng GCTA ang nahatulan sa panggagahasa at pagpatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong gayundin ang mga convicted na Chinese drug lords.
Samantala sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang bilangguan ay dapat na magsilbing pansamantalang tuluyan ng mga naligaw ng landas at maging daan sa muling pagbabalik ng kabutihan sa puso at isip ng mga nagkasala.