454 total views
Ito ang panawagan ni Fr. Desiderio Balatero Jr., rector ng Our Lady Mediatrix of all Grace Cathedral o Kidapawan Cathedral kasunod na rin ng ikatlong malakas na lindol na naranasan sa Central Mindanao lalu na sa Kidapawan North Cotabato, Davao, at Digos City.
“Ang mga tao nasa state of worry, ‘yung iba trauma ‘yung iba tulala, hindi mapakali kasi maya-maya may aftershocks at hindi namin malaman aftershocks ba ito o lindol. Kaya panawagan namin ang patuloy na pag-alay ng dasal para sa isla ng Mindanao lalu na sa Region XI at XII Diocese ng Kidapawan, Archdiocese ng Davao, Cotabato at Marbel ito ang hardhit area na nayanig talaga ng nangyayari ngayon,” ayon kay Fr. Balatero.
Ayon sa pari, siya ay nasa kabilang kapilya at katatapos lamang nila ng misa ng muling naganap ang pagyanig.
Ipinagpasalamat naman ng pari na wala namang lubhang pinsalang tinamo ang Kidapawan Cathedral na unang binuksan para sa mga lilikas na residente.
“Sa ngayon, yan ang scenario dito, ang mga tao nasa labas at maraming mga gusali ang medyo, ang lalung napinsala kasi may kalakasan din ang latest na pagyanig,” ayon kay Fr. Balatero.
Sinabi pa ng pari na patuloy silang nagpapakakatatag sa kabila ng sunod-sunod na lindol para na rin sa mga mananampalatayang patuloy na nangangamba sa kanilang kaligtasan.
Tiniyak din ni Fr. Balatero na tuloy-tuloy ang pagdaraos ng mga misa lalu na sa cathedral lalu’t higit itong kinakailangan ng mga mananampalataya.
“So far the cathedral is intact and we continue the celebration of the sacraments ‘yung mga misa regular ang misa namin kasi mas lalung kinakailangan namin na mag-offer ng misa sa panahong ito,” ayon pa kay Fr. Balatero.
Nagpapasalamat din ang pari sa tulong na dumarating para sa mga nagsilikas na residente na nawalan ng bahay dahil sa lindol.
“Kami po ay nagpapasalamat sa mga tulong galing sa Maynila sa Caritas Manila at iba’t ibang grupo. Maraming salamat sa tulong malaking bagay ‘yan lalu na sa mga tao na may trauma,” ayon pa sa pari.
Nagpaabot naman ng panalangin si CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles sa mga pinangangambahang natabunan ng gumuhong condo sa Ecoland, Davao City.
Unang nagpahatid ng P200,000 na tulong ang Caritas Manila sa Kidawapan habang naglabas na rin ng urgent appeal ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Read: CBCP, naglabas ng urgent appeal para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.