372 total views
Hinihikayat ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang bawat mananampalataya na maging instrumento ng pagkakawang-gawa at pag-ibig para sa mga dukha.
Sa panahong patuloy na umiiral ang karahasan at hindi pagkakapantay-pantay, inihayag ng Obispo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity na mahalagang mapakinggan ang tinig ng mga mahihirap at abutin ang kanilang kamay patungo sa tahanan ng Panginoon – ang simbahan.
“Sana maipadama ng lahat ng ating komunidad at parokya at mga BEC na tayo ay nakikiisa sa mga mahihirap at bigyang halaga na ma-ecounter sila at makinig sa kanila at maipadama sa kanila na sila ay bahagi ng ating simbahan,” panawagan ni Bishop Pabillo.
Higit sa salapi at materyal na bagay, sinabi ni Bishop Pabillo na kahit sa maliit na pamamaraan ay maaaring ipakita ng bawat indibidwal ang kanilang pagtulong sa mga nasa laylayan at naisasantabi ng lipnunan.
“Maipapakita natin ang ating pagmamahal at pagtulong sa mga mahihirap sa pamamagitan ng] pakikinig sa kanila, pagdiriwang kasama nila, pagmimisa para sa kanila o kaya pagtulong sa kanilang mga pangangailangan,” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Sa pag-aaral na isinagawa ng Asian Development Bank (ADB), 21.6 porsiyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ay nasa ilalim ng National Poverty Line.
Una nang idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco ang ika-19 araw ng Nobyembre bilang kauna-unahang paggunita ng simbahang katolika ng World Day of the Poor.