285 total views
March 19, 2020-4:25pm
Umaabot na sa higit anim na milyong piso ang nakakalap na donasyon ng Caritas Manila para sa Ligtas COVID-19 campaign.
Ang nakalap na pondo ay siyang gagamitin para sa ipamamahaging Manna food bags at Caritas Ligtas COVID-19 kits sa mga mahihirap na pamilya sa Metro Manila.
“Let us continue sharing our resources to the most vulnerable in the COVID-19 pandemic – the poor and the elderly. No one should be left behind as we fight COVID-19 with charity and bayanihan!,” ayon sa pahayag ng Caritas Manila.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa na nang paghahanda ang Caritas Manila ng mga relief good sa pakikipagtulungan na rin ng Social Service and Development Ministry ng bawat parokya sa kalakhang Maynila na simulang ipapamahagi sa susunod na linggo.
Ang mga relief packs ay naglalaman ng bigas, de lata at noodles.
Habang ang COVID-19 Kit ang may 70% solution alcohol, washable facemask, isang litro na anti-bacterial liquid soap, reusable gloves, cleaning cloth at vitamin C.
Patuloy naman tumatanggap ng donasyon ang Caritas Manila sa mga nais na magbahagi ng tulong sa mga mahihirap at matatanda na labis na naapektuhan ng umiiral na Luzonwide Quarantine.
Una na ring inihayag ni Novaliches Bishop Roberto Gaa na mas magiging epektibo ang enhanced community quarantine -o ang pananatili ng mga manggagawa sa kanilang tahanan kung matitiyak ng mga dukha na mayroon silang maipapakain sa kanilang pamilya.
Hinihiling din sa pastoral statement ng Metropolitan Bishops of Manila ang pagpapaigting ng bayanihan at pagtulong sa mga nangangailangan sa panahon ng krisis na dulot ng Corona Virus Disease 2019.