211 total views
Ang buhay ng bawat indibidwal ay kaloob ng Panginoon na dapat ilaan para sa pagtupad sa misyong kanyang iniatang para sa bawat isa.
Ito ang inihayag ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia sa katatapos lamang na Walk For Life 2019.
Ayon sa Arsobispo, ang ipinagkaloob na buhay ng Panginoon ay isang tuwirang panawagan para sa kabanalan bilang katiwala ng Diyos na nagbigay buhay sa bawat nilalang sa daigdig.
“Life is our call and life is our mission, we were created by God that we call Father Giver of Life and we believe in life that starts here but is everlasting anything with due in the service of life is a praise of God and accomplishment of our mission…” pahayag ni Archbishop Caccia sa panayam sa Radyo Veritas.
Si Archbishop Caccia ay isa lamang sa mga opisyal ng Simbahan na nagpahayag ng suporta sa ika-3 simultaneous Walk for Life na isinagawa sa Quezon City Memorial Circle noong Sabado, ika-16 ng Pebrero.
Sa tala umabot ng halos 8-libo ang mga nakiisa sa pagtitipon mula sa iba’t-ibang kongregasyon, parokya, paaralan, lay organization at mga kalapit na diyosesis ng Archdiocese of Manila.
Kasabay ring isinagawa ang prayer rally sa Archdiocese of Cagayan de Oro, Diocese of Tarlac, Archdiocese of Lingayen-Dagupan, Archdiocese of Cebu at Archdiocese of Palo.
Ang Walk for Life ay unang isinagawa noong 2017 sa pangunguna ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.
Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang nangangasiwa sa iba’t ibang national Catholic Lay organizations kasama na ang iba’t-ibang archdiocesan at diocesan councils of the laity sa may 86 na diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa.