259 total views
Nagpaabot ng pasasalamat si Cebu Archbishop Jose Palma sa paglalaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng oras upang personal na makiramay at makapagpaabot ng huling paggalang kay Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal.
Ganap na alas-dose ng madaling araw kanina ng bumisita si Pangulong Duterte sa burol ng yumaong Cardinal sa Cebu Metropolitan Cathedral kasama sina Special Assistant to the President Secretary Bong Go at Presidential Assistant for Visayas Michael Dino.
Sa mga larawang ipinadala ng Malacañang Photo Bureau ay makikita ang paghalik ni Pangulong Duterte sa kabaong ni Cardinal Vidal kung saan ito ay nagbahagi rin ng kanyang mensahe.
Bukod dito, nagkaroon rin ng pagkakataon ang Pangulo na makausap ang kapatid ng Cardinal na si Juanito Vidal at si Cebu Archbishop Jose Palma na siya rin pangunahing nangangasiwa sa burol ng yumaong Cardinal.
Kaugnay nito, idineklara na rin ni Pangulong Duterte na holiday sa Cebu sa araw ng libing ni Cardinal Vidal sa ika-26 ng Oktubre upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga mananampalataya na maipakita ang kanilang huling paggalang at pagdadalamhati sa pagpanaw ng Cardinal na 29 na taon na nagsilbi nilang Arsobispo ng Archdiocese of Cebu.
Una nang kinumpirma ng Archdiocese of Cebu ang paglilibing kay Cardinal Vidal sa libingan ng mga Obispo sa likod mismo ng Cebu Metropolitan Cathedral sa ika-26 ng Oktubre.
Si Cardinal Vidal ay pumanaw noong ika-18 ng Oktubre sa edad na 86 na taong gulang.