219 total views
Naniniwala si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na bawat tao ay tinatawag ng Panginoon upang maging santo sa kanyang sariling pamamaraan.
Ayon sa Obispo, isang magandang pagkakataon ang pagdiwang ng All Saints Day upang papurihan ang mga martir at banal na inalay ang kanilang sarili upang isabuhay ang aral at turo ni Hesus.
“Ang All Saints Day, iyan ay inuukol natin para alalahanin at papurihan ang Diyos dahil sa mga nasa langit na kaluluwa. Dapat nating alalahanin sa All Saints Day na tayo ay tinatawag na maging saint kahit hindi mailalagay yung estatwa natin sa altar eh tayo naman ay makakasama ng Diyos at ng mga banal at mga anghel sa kalangitan. Yun ang tandaan natin,” pahayag ni Bishop Bacani.
Idinagdag pa ng Obispo na isang hamon para sa mga mananampalataya na tularan ang kadakilaan ng mga santo at hindi matutumbasang pag-ibig at pananampalataya sa Diyos.
Samantala, ipinapaalala naman aniya ng paggunita ng All Souls Days na ipagdasal ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw para sa kanilang mapayapa at dalisay na paglalakbay patungo sa kaharian ng Diyos.
“Ang All Souls Day naman ay inuukol natin para ipanalangin ang ating mga kapatid na nananabik na makapasok sa langit ngunit dahil sa may pagkakautang pa sila na hindi pa lubos na nababayaran ay kinakailangang linisin sila ng Panginoon upang maging lubos na dalisay ang kanilang pagmamahal at sila rin ay makapasok na sa langit. Ipanalangin natin ang ating mga yumao, baka sakaling hindi pa sila nakakapunta at nakakaabot sa harapan ng Diyos sa langit,” dagdag ng Obispo.
Tinatayang umabot na sa mahigit 10-libo ang naiatalagang Santo sa buong mundo na nagmula sa iba’t ibang mga bansa.
Sa simbahang katolika, ipinagdiriwang tuwing unang araw ng Nobyembre ang All Saints Day habang sa ikalawang araw naman ng buwan ang All souls Day o Araw ng mga Patay.