407 total views
Ipinaalala ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña na ang bawat isa ay hinimok ng Panginoon na ibigin ang kapwa.
Ito ang pagninilay ng Obispo sa Araw ng mga Puso na dapat pairalin ng mamamayan ang pagmamahalan tungo sa mapayapa at maunlad na pamayanan.
“Ito ang ating bokasyon to love, lahat tayo ay tinawagan ng Panginoon upang magmahal at magbahagi ng pag-ibig sa kapwa,” pahayag ni Bishop Dela Peña sa Radio Veritas.
Sa pagdiriwang ng Valentines Day, pangungunahan ni Bishop Dela Peña ang mass wedding sa Immaculate Conception Parish sa Sultan Naga Dimaporo Lanao Del Norte ang parokyang pinangangasiwaan niya.
Ibinahagi ni Bishop Dela Peña na 30 mag-asawa na civilly married ang makatatanggap ng sakramento ng pag-iisang dibdib sa araw ng mga Puso na konkretong hakbang na mapagtibay ang pagmamahalan ng mag-asawa sa tulong ng basbas at gabay ng Diyos.
Sa inisyatibo ng parokya, hinikayat nito ang mga mag-asawang kasal sa huwes na patatagin pa ang kanilang samahan sa pamamagitan ng sakramento na ibinibigay ng simbahan.
Umaasa naman ang Obispo na maging tradisyon ito tuwing Araw ng mga Puso.
“We campaign for the validation of their marriage na tatanggap sila ng sakramento [ng kasal]; we hope this is going to the usual feature of our valentine celebration,” saad ng obispo.
Unti-unti ring ipinatutupad ng Prelatura ng Marawi ang pag-alis sa arancel system kung saan ang mga ikinakasal at iba pang tatanggap ng sakramento ay hindi na magbabayad kasabay ng pagpapatupad ng modified tithing system bilang suporta sa parokya.
Ang 30 ikakasal ay libreng makatatanggap ng sakramento ng pag-iisang dibdib maging ang salo-salo na inihanda at mga programa para sa nasabing selebrasyon.