245 total views
Magsuot ng damit na kawangis ang mga Santo sa halip na magsuot ng mga nakakatakot ngayong halloween.
Ito ang mungkahi ni Father Daniel Estacio, exorcist ng Diocese of Pasig at parish priest ng Santo Niño de Taguig kaugnay sa nauusong halloween party at trick or treat sa tuwing nalalapit ang pagdiriwang ng All Saints Day at All Souls Day.
“Kumbaga pino-promote natin yung culture ng katatakutan, na hindi naman talaga ‘yun ang essence ng pagdiriwang natin ng All Saints Day at All Souls Day-so paggunita ‘yun sa mga mahal nating yumao at paggunita sa mga banal na kasama na ng Panginoon sa langit,” ayon kay Fr. Estacio.
Ayon kay Fr. Estacio, sa halip na ipromote ang nakakatakot na kultura mas mabuting gamitin itong pagkakataon para magbigay ng katesismo hinggil sa mga santo ng simbahang katolika na siyang dapat maging modelo at tularan lalu na ng mga kabataan.
Dagdag pa ng pari, ang pagsusuot ng mga nakakatakot na itsura ay maari ring makaengganyo ng mga masasamang espiritu.
“The more na nagsusuot ka ng mga costume na mga nakakatakot kumbaga pinpromote mo ang mga kademonyuhan, ‘yung mga evil spirit. Hindi siya advisable. Di ba nung tayo ay bininyagan dinamitan tayo ng puting kasuotan, yun ang ating baptismal garment ang tawag sa atin sa pagkakabanal. So therefore, kailangan i-maintain natin ‘yun. So kung magkakaroon man tayo ng costume yung mga costume na ng mga Santo na instead ung mga katatakutan,”pahayag ni Fr. Estacio.
Dagdag pa ng pari; “Not necessarily na sasapian ka, kumbaga the more mo kasi silang nirerecognize ang presence nila, parang pinahahalagahan mo sila. So it could invite, pero not necessarily na sasapian ka.”
Kamakailan lamang, 35 bagong Santo ang itinalaga ng simbahan na ayon kay Pope Francis ay isang patunay ng pagmamahal ng Panginoon sa mga tao – at magbibigay ng mabuting halimbawa sa ating pamumuhay ang pagmamahal na pangunahing sandata sa kasamaan.
Una na ring hinikayat ni Pasig Bishop Mylo Vergara, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Communications and Mass Media ang mananampalataya lalu na ang kabataan na magdamit tulad ng mga santo at gawin itong tradisyon- ang ‘parade of saints’ na taunan nang isinasagawa sa ilang mga parokya at katolikong paaralan.