213 total views
Hindi solusyon ang pagpapakulong sa mga batang nagkasala sa nagaganap na karahasan sa lipunan.
Ito ang inihayag ni Sr. Zeny Cabrera ng Restorative Justice Ministry ng Archdiocese of Manila.
Ayon kay Sr. Cabrera sa halip na ibaba ang edad ng criminal liability ay dapat pagtuunan ang mga paglabag at pang-aabuso ng mga nakatatanda sa mga bata.
“Ngayon nakakakilabot isipin na ang isang bata na kulang pa sa kamalayan ay ilalagay sa isang lugar na hindi siya dapat naroroon kundi dapat siya ay nasa close na pangangalaga ng mga magulang. So ang bagay na ito, sa palagay ko, ang pagpapasa o hindi pagpapasa ng Bill na ito ay aksaya unang-una. Kasi dina-divert nila ang atensyon ng tao. Pag-aaksaya sa paguusap,” ayon kay Sr. Cabrera.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa 800,000 naiulat na pusher at user ng ilegal na droga may 24,000 ang mga minor de edad kung saan 20 porsiyento sa mga ito ay pawang nasa edad 15 taon pababa at dalawang porsyento lamang ang mga batang ito o katumbas ng 400 bata ang nagbebenta ng droga.
Hinihikayat din ng madre ang mga mambabatas na suriin ang kanilang sarili kung papaya sila na makulong ang kanilang menor-de-edad na nagkasalang mga anak.
“Ang parusa ay hindi paraan, hindi tugon para itama ang isang bagay, lalo na when it concerns home life, family life. This is an issue that should be discussed among families. Itong mga legislators natin dapat magkaroon sila ng pusong maka-pamilya, kung mayroon tayong maka-panalig, dapat meron ding maka-pamilya,” dagdag pa ni Sr. Cabrera.
Sa panig ng simbahan, may programa ang Archdiocese ng Manila para sa mga kabataang nagkakasala sa batas o ang ‘Children in conflict with the law’ kabilang dito ang Youth Deception Centers, Bahay Pag-asa, Bahay Aruga at Yakap Bata sa pakikipagtulungan na rin ng ilang mga lokal na pamahalaan.
Sa mga tanggapang ito ay tinutulungan ang kabataan na maging kapaki-pakinabang sa lipunan, makapag-aral at ang pagbibigay ng katesismo bilang gabay sa kanilang espiritwal na pangangailangan.