735 total views
Nagbubunga ng karahasan at kaguluhan ang mga mali at mapanlinlang na mga ideolohiya.
Ito ang pagninilay ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos -Chairman ng CBCP–Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People kaugnay sa naganap na easter terror attack sa Sri Lanka.
Giit ng Obispo, walang maidudulot na mabuti sa halip ay makapagpapalaganap lamang ng kasamaan, kadiliman at pagkawasak ang karahasan na dulot ng mga maling paniniwala o ideolohiya sa buhay.
Binigyang diin rin ni Bishop Santos na ang marahas na pagpapasabog sa mga Simbahan at Hotel sa Sri Lanka sa araw ng pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay pag-atake sa kapayapaan at sa sangkatauhan na ngayon ay mas kinakailangang magkaisa para sa makamit ang kaayusan sa lipunan.
“False ideology breeds violence, nurtures hatred. Violence will never achieve anything. It just sows destruction and death, must be denounced and condemned. Tragic events in Sri Lankan churches and hotels were attacks on peace and humanity. The whole world grieves and stands with the people of Sri Lanka,” ang bahagi ng mensahe ni Bishop Santos.
Umapela rin ang Obispo sa bawat isa na ipanalangin ang lahat ng mga biktima ng magkakahiwalay na pagsabog sa Sri Lanka na umabot sa mahigit 200-katao ang namatay.
Inihayag rin ni Bishop Santos na mahalagang ipanalangin ang pagbabalik-loob ng mga nasa likod ng karahasan at maliwanagan ang kanilang puso’t isipan mula sa maling ideolohiya na nagdudulot ng pagdurusa sa mga mamamayan.
“Let us pray that they may remain strong, firm with their faith and rise up again. We pray for conversion and change of hearts for those harbour false ideology. May the souls of those who perished may find eternal rest and at peace,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Tiniyak naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Filipinong nasugatan o namatay sa 8 pagsabog sa kabisera ng Sri Lanka sa Colombo partikular na sa isang bahay, 4 na mga hotel at 3 Simbahan kung saan nagdiriwang ng misa ang mga Katoliko sa pagdiriwang sa muling pagkabuhay ni Hesus.
Sa tala may mahigit sa 1.7-milyon ang bilang ng mga dayuhan o overseas workers sa Sri Lanka kabilang na ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na naninirahan at naghahanapbuhay sa nasabing bansa.