222 total views
Panalangin ng sambayanan ang mabisang sandata ng mga obispo at pari ng Simbahang Katolika na nahaharap sa pang-uusig dulot na rin ng mga maling paratang.
Ayon kay Marita Wasan, pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas walang basehan at walang katotohanan ang kasong sedition at cyber libel na isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa mga lingkod ng simbahan at ilang miyembro ng oposisyon na kilalang mga kritiko ng administrasyong Duterte.
“We as Sangguniang Layko ng Pilipinas, tayong lahat na miyembro ng Layko, yung mga nabinyagan at nakumpilan ay dapat na ipinapahayag ang ating pagtutol kasi wala itong katotohanan at walang basehan. This is persecution of the Church and we know that,” ayon sa pahayag ni Wasan sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ni Wasan na kasama ang Sangguniang Layko sa mga nakikiisa sa pagbibigay ng suporta sa mga inuusig na obispo at pari.
Binigyan diin ni Wasan na ang mga inaakusahang lider ng simbahan ay walang hangarin kundi ang bigyang gabay at tulungan ang mga walang tinig sa lipunan lalu ang mga biktima ng War against Drugs ng pamahalaan.
“We need to help our shepherds. We need to support our priests, and our leaders. Nananawagan ako sa mga Layko sa ating bansa, hindi lang dito sa Metro Manila, Luzon, Visayas, Mindanao, pagdasal po natin ang ating mga Obispo dahil oppression na po ito ng ating karapatan bilang tao,” ayon pa sa panawagan ni Wasan.
Tiwala si Wasan na sa pamamagitan ng patuloy at sama-samang panalangin ng mamamayan ay manaig ang katotohanan at katarungan laban sa mga maling paratang.
Kabilang sa mga isinasangkot sa kaso sina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Cubao bishop Honesto Ongtioco,Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr., Fr. Albert Alejo, Fr. Robert Reyes at Fr. Flaviano Villanueva.
Una nang minungkahi ni Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc na mag-organisa ng sabayang pagdarasal para sa mga obispo ng simbahang katolika na nahaharap sa kasong sedisyon.
Read: Time to respond!
CBCP, ipinagtanggol ang mga Obispo at Paring isinasangkot sa sedition case
Ayon kay Marita Wasan, ang pagdarasal ay payapang pagkilos at makapangyarihang sandata ng mamamayan laban sa mga mapang-usig.
Umaasa naman si Wasan na mananaig ang katotohanan sa kasong iniuugnay sa mga obispo at tiniyak na mangingibabaw ang katarungan.
Nagpahayag din ng suporta sa mga opisyal ng simbahan ang Couples for Christ-Foundation for Family and Life.