260 total views
Ito ang pahayag ni Batanes Bishop Danilo Ulep sa pangambang kakapusin ang suplay ng bigas sa lalawigan dahil sa tuloy-tuloy na sama ng panahong nararanasan sa lugar dahilan upang hindi makabiyahe ang mga sasakyang pandagat na magdadala ng suplay sa Batanes.
Ayon sa Obispo, mahalagang matutuhan ng mga tao ang mamuhay sa pamamagitan ng mga produktong pang-agrikultura na matatagpuan sa lugar.
“Let us continue not to be dependent from the outside, lalo kaming nandito sa isla that we should learn how to live with what is available and locally produce.” pahayag ni Bishop Ulep sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo, ang pagpapaunlad sa lokal na produksyon sa agrikultura ang bukod tanging paraan upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa isang komunidad.
Hinimok naman ng Obispo ang bawat mamamayan maging ang pamahalaan na pag-ibayuhin ang pagpapalawak sa lokal na produksyon ng mga pagkain sa bansa para maiwasan ang pagkakaroon ng suliranin sa suplay.
“Kung masiyado tayong dependent sa outside sources ng pangangailangan natin time will come na kapag wala nang manggagaling sa labas tayo ang magkakaproblema.” pahayag Obispo.
Magugunitang sa mensahe noon ng Food and Agriculture Organization sinabing nagsisimula sa pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura ang pagkakaroon ng saganang pagkain sa isang lipunan.
Kinilala pa rin ang Pilipinas bilang isang agrikultural na bansa kung saan sa tala ng Philippine Statistics Authority binubuo ito ng mahigit 9 na milyong ektaryang lupang pang-agrikultura at ang pangunahing produkto dito ang palay.
“We should learn how to be self-reliance and maximize our local resources.” ani ni Bishop Ulep.
Naunang inamin ni Bishop Ulep na hindi magtatagal ang kasalukuyang supply ng bigas sa lalawigan kung magpapatuloy ang masamang panahon.
Read more: Kakapusan sa supply ng bigas sa Batanes, Pinangangambahan
Nanawagan din ang Bantay Bigas sa pamahalaan na magpatupad ng price control sa presyo ng bigas na sinasamantala ng mga negosyante dahil sa kakapusan ng supply nito sa bansa.
Read more: Price control sa presyo ng bigas, ipatupad
Maging ang Santo Papa Francisco ay kinilala ang mga magsasaka sa isang pagtitipon sa Italya dahil sa naging ambag nito sa lipunan, ang paghahatid ng pagkain sa bawat mamamayan.