154 total views
Tiniyak ng bagong pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – National Secretariat for Social Action (CBCP-NASSA)/ Caritas Philippines na paigtingin pa ang mga programang sinimulan ng komisyon.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, mas lalawakan pa ng institusyon ang pagtugon sa pangangailangan ng kapwa lalo na ang mga biktima ng ibat-ibang uri ng sakuna sa bansa.
“Well, maganda ang mga programa ngayon sa NASSA, ipagpatuloy natin ‘yan lalo na ang mga humanitarian advocacy na makatulong sa mamayan,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Ika – 13 ng Disyembre 2019 ay pormal na pamunuan ni Bishop Bagaforo ang CBCP-NASSA/Caritas Philippines makaraan ang symbolic turn over ceremony mula sa dating namuno nito na si Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona.
Binigyang diin ni Bishop Bagaforo na tutukan din sa kanyang pamumuno ang pagpapalakas sa human development para sa mamamayan upang matulungang malutas ang suliranin ng kahirapan sa bansa.
“Bigyang pansin din natin ang human development program, like livelihood program addressing on problema natin sa poverty at alleviating people on their social and economic status,” ani ni Bishop Bagaforo.
Ipagpatuloy ng NASSA ang pakikisangkot sa iba’t- ibang usaping panlipunan tulad ng mga suliraning pangkalikasan, may kaugnayan sa pantay na karapatan ng bawat mamamayan.
Sa kasalukuyan, ay patuloy ang pagkilos ng Caritas Philipines upang tulungan ang mga lugar na nasalanta ng bagyong Tisoy at ang mga lugar na nawasak makaraan ang magkakasunod na lindol sa Mindanao noong Oktubre.