251 total views
Homilya
Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Kardinal Tagle
Our Lady of the Assumption Parish – Malate
Kapistahan ng Pag-aakyat sa langit kay Inang Maria
August 15, 2018
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, tayo po ay magpasalamat, magpuri sa Diyos na nagtipon, nagsama-sama sa atin bilang sambayanan sa gabing ito.
Nagpapasalamat din po tayo sa Panginoon sa magandang panahon na binigay sa atin para sa pagdiriwang ng ating kapistahan. Salamat din sa Panginoon sa ating patrona, ang mahal na Ina na nababalot ng karangalan lalo na sa misteryong ito ng kanyang buhay; ang pag-aakyat sa kanya, katawan at kaluluwa sa langit upang siya na naging tapat na alagad ni Hesus na kanyang anak ay makibahagi sa kaluwalhatian ni Hesus.
At yan po ang hinihingi nating biyaya sa piyestang ito; ang biyaya ng pagpapanibago, renewal ng ating sambayanan at ang mahal na Ina, sa kanya po makikita natin ano nga ba ang mga daan ng pagpapanibago. Lalo na po iyon ang pagpapanibago na buhay, ang buhay na walang hanggan ay mas malakas kaysa sa kamatayan. Iyan ang pinakahinahangad nating pagpapanibago, minsan ang mga pagpapanibago na gusto lang natin ngayon, panlabas, cosmetic.
Titingnan ninyo yung mukha niyo mamayang gabi bago matulog, “Naku, hindi pala pantay ang kilay ko. Pa’no ko ba ‘to mapapantay? Gagastos kayo ng libo-libo para yang kilay niyo mapantay pero magpapantay lang yan kapag buburahin ang inyong kilay at gagawing artipisyal.
Kaya puting-puti na yung buhok niyo dito, itim na itim yung kilay. Anong klaseng pagpapanibago ‘yan? Minsan ang gusto natin cosmetic na pagpapanibago pero sa mahal na Ina, makikita natin pati ang rurok ng pagpapanibago walang iba kundi kamatayan mismo na laging nakaamba para sirain ang buhay, ang kamatayan mismo ay malulupig.
Walang sinabi ang kamatayan sa buhay, pagmamahal at habag ng Diyos. Iyan po ang atin din pag-asa, iyan ang pag-asa natin na magwawagi ang buhay ng Diyos. At hindi lang magwawagi, aakyat ka sa langit sa piling ng Ama na pinagmulan ng lahat ng buhay at pag-ibig. Ilan sa atin po dito palagay ko kapag tinanong ko, Ilan sa atin ang ibig makiisa sa pagpapanibago ng buhay hanggang kalangitan kasama ni Maria? Palagay ko lahat tayo magtataas ng kamay, dalawang kamay pa.
Ang hamon siguro sa atin po ay tatahakin ba natin ang landas ng pagpapanibago na iniaalay ng mahal na Ina. Ngayon po ay taon ng mga pari at consecrated persons, kami pong mga pari, mga religious men and women, kami po ay inaanyayahan na tumulad kay Maria upang makaranas kami ng pagpapanibago sa aming misyon, sa aming identity. Pero hindi lamang po mga pari at madre ang inaanyayahan sa pagpapanibagong buhay, tayong lahat po, ang buong sambayanan.
Kaya huwag po nating sabihin, hindi naman ako Pari bakit ako magbabago? Hindi naman ako Madre bakit ako magpa-papanibago? Ang sagot po do’n ay lahat tayo binyagan, lahat tayo ay alagad ni Kristo. Kaya ang pagpapanibago ay walang katapusang pagpupunyagi sa biyaya ng Panginoon.
Tatlong bagay po na matututunan natin sa mahal na Ina tungo sa pagpapanibago. Una, sabi po sa ebanghelyo ni San Elizabeth kay Maria, Mapalad ka Maria sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon. Mapalad ka Maria sapagkat nanalig ka, sumampalataya ka na matutupad ang salita ng Diyos sa iyo.
Ito po ang unang daan ng pagpapanibago natin bilang sambayanan ng Diyos. Makinig sa salita ng Diyos pero hindi lamang nakikinig… sinasampalatayanan ang salita ng Diyos. Isinasaloob, isinasapuso at isinusuko ang sarili sa salita ng Diyos. At yung pagsuko na ‘yon na ang tawag natin ay pananampalataya, umuuwi rin sa pagkilos ayon sa salita ng Diyos kumbaga ang pamantayan ng buhay ay hindi kung ano-anong salita at salita ng kung sino-sino kundi ang salita ng Diyos.
Nariyan ang pagpapanibago, sa karanasan ni Maria naka-plano na sila ni Jose di ba ho? Siguro si Jose, karpintero marami nang ipinangako kay Maria, “Maria, ipagtatayo kita ng magandang bahay, Maria siguro mga labing-apat ang anak natin kaya malaki-laking bahay. Maria, ganito, ganyan.
Noong nagsalita ang Diyos kay Maria sa pamamagitan ng anghel, nakinig si Maria. Pinagmuni-munihan, nagtanong, hinintay ang sagot ng Diyos sa pamamagitan ng Anghel. At nung bandang huli, sabi niya, narito ang alipin ng Panginoon, matupad sa akin ayon sa wika mo at nagbago ang kanyang buhay.
Mga kapatid, walang pagpapanibago sa ating sambayanang Kristyano kung hindi nakabatay sa salita ng Diyos. Uulitin ko walang tunay na pagpapanibago ng buhay, ugali, pag-iisip at ugnayan sa sambayanang Kristyano kung hindi natin seseryosohin ang salita ng Diyos… pero hindi lang pinakikinggan, sinasampalatayanan at ikinikilos… ikinikilos. Noong minsan po kasi nung bata-bata pa akong pari, rector ako ng seminary basta bandang alas-kwatro bumababa ako sa kusina, nagtitimpla ng kape. Noong nagtitimpla na ako, narinig ko yung apat na babaeng nagluluto para sa amin. Nag-gagayat na, nag-aayos na, seryoso sa mga usapan nila, magkakamag-anak ho yung mga ‘yon.
Lumapit ako, tapos narinig ko sabi nung isa naku yang si…” ano ba iyong pangalan, basta may binanggit na pangalan. Sabi, Juan yata, Juan sabi, iyang si Juan na yan kapag hindi nagbago yan mapapahamak yan. Sabi nung isa, matigas naman ang ulo talaga ng Juan na ‘yan. Sabi nung isa pero binigyan na siya ng pagkakataon pero di naman siya kumikilios. Seryoso ho sila, ako naman umentra ako kasi akala ko kamag-anak nila ‘yong si Juan. Sabi ko, ano ba ang maitutulong natin diyan kay Juan para magbago?
Tumingin sa akin, tawanan sila hindi po, ano ho iyon yung sa telenovela. Biruin ninyo ho yung napapanood sa telenovela, sinasapuso, sinasadibdib, kahit nagluluto yun pa rin ang pinag-uusapan at parang kamag-anak nila. Mabuti pa ang telenovela, pinakikinggan. Ang salita ba ng Diyos pinakikinggan? Ang salita ba ng Diyos pag-uusapan habang kayo ay naglalaba at kayo ay nagga-gayat?
Kaya walang pagpapanibago ang buhay natin parang telenovela. At ang katapusan hindi mo alam. Gawa na lang nang gawa ng mga twists and turns kasi yun naman ang ating pinakikinggan. Ibig natin pagpapanibago ng buhay? Tumulad kay Maria, salita ng Diyos. Kung hindi, sayang lang naman itong ating tema, nilagay pa sa tarpaulin, slogan lang.
Kung mayroon kayong kakilala na magbi-birthday, bigyan ninyo ng Bibliya. May ikakasal? Bigyan niyo, Bibliya. Anibersaryo ng kasal? Bibliya. May ga-graduate? Bibliya kaysa sa kung ano-ano para magsimula na ang pagpapanibago. Pahalagahan ang salita ng Diyos tulad ng ginawa ni Maria. Ano ho, itutuloy ko pa ba? O sasabihin niyo tama na yan, tama na.Iyong pangalawa po kay Maria, salita ng Diyos.
Ikalawa, sabi po ni San Pablo sa mga taga-Korinto, sabi po niya, kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan gayundin naman mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Kristo. Kaugnayan kay Kristo. Yung kaugnayan natin kay Adan, nag-uwi sa kasalanan at kamatayan pero ang kaugnayan kay Kristo ay mag-uuwi sa buhay at yan po ang nakita natin sa mahal na Ina. Iyan ang pangalawa, kaugnayan niya kay Kristo. Buhay na ugnayan. Ang sentro ng buhay ni Maria ay si Hesus. Kitang-kita po yan sa rosary. Misteryo ng tuwa, misteryo ng hapis at kadiliman, misteryo ng liwanag.
Bawat yugto ng buhay ni Hesus, kaugnay si Maria. Kung kaya nung si Hesus ay pumasok sa kaluwalhatian, kasama si Maria kasi consistent na kaugnay niya si Hesus. Kapag kasama si Hesus, sa tuwa, sa hapis, sa liwanag, harinawa, makakasama rin natin siya sa kaluwalhatian.
Mga kapatid, kumusta ba ang ating kaugnayan kay Hesus? Kasi mayroong lumapit sa akin, sabi Cardinal, puwede ho bang mag-rosaryo ako na hindi ko na gagamitin yung sorrowful mysteries? Sabi ko, bakit? Masyadong depressing puwede ba joyful, luminous, glorious na agad? Sabi ko, aba ang ugnayan kay Hesus, buo. Hindi pu-pwedeng namimili lang tayo na, eto masaya ito kaugnay kita Hesus. Ito malungkot na ito, ay Hesus ha mag-isa ka na lang diyan. Hindi, ugnayan na consistent at yan po ay binibigay sa atin sa pamamagitan ng mga sakramento.
Sa pagsilang kaugnay si Hesus, lumaki-laki ka kumpil, kasama mo pa si Hesus. Puwede ka nang mangumunyon, kasama si Hesus. Nagkasala ka, kumpisal, kasama si Hesus. Na-in love ka na, nag-asawa ka na sa buhay may asawa, matrimony, kasama si Hesus. I-aalay mo ang buhay mo sa pagpa-pari, kasama mo si Hesus. Nagkasakit ka at maaaring manganib ang buhay, sacrament, kasama si Hesus. Sa bawat yugto ng buhay nandyan si Hesus, ibig tayong kaugnay.
Tayo ba makiki-ugnay kay Hesus? Consistently ho consistently. Ayan ang pangalawa, so yung una, salita ng Diyos. Ikalawa, kaugnayan kay Hesus. Huwag babaliwalain ang ugnayan kay Hesus. At pang-huli po, paglilingkod lalo na sa mga dukha, sa mga maliliit, sa mga kinakalimutan ng lipunan. Hindi lamang yung kaugnay si Hesus kundi kaugnay din ang mga minamahal ni Hesus. Kaugnay rin sa presensiya ni Hesus sa mga maliliit, mga dukha.
Tingnan po natin si Maria. Sa ebanghelyo, pinapurihan siya ni Elizabeth. Pinagpala ka sa lahat ng babae. Iniangat ni Elizabeth si Maria. Siguro kung si Maria ibang klaseng tao, baka isinagot, sorry Elizabeth ha hindi ikaw ang napili ng anghel. Ang anak mo si Juan Bautista lang, ang anak ko si Hesus. Sorry ha mas mataas kami sa iyo. Hindi si Maria lalong pinararangalan, lalong ibinababa ang sarili at nakikiisa sa mga mabababang tao. Sabi niya, “Tatawagin akong mapalad hindi dahil magaling ako kundi dahil sa mga dakilang bagay na ginawa ng maykapal sa akin.
Kaya huwag ako ang papurihan mo Elizabeth, ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon. Tayo saksakan ng yabang kaya walang pagbabagong buhay. Naging Barangay Captain lang, si Aling Kikay magiging Madame Cakes. Kaunting iniangat lang saksakan na ng sarili. Kaunti lang iyong nagawa kailangan kikilalanin na. Ang tulay na yan naitayo dahil sa akin. Iyang upuan na yan nabili yan dahil sa aking donasyon. Puro sarili, si Maria hindi.
Siya na nga ang pinagpala sa lahat pero ang sabi niya, dahil lang iyan sa awa ng Diyos, kaya dakila ang ngalan ng Diyos. At naalaala niya, hindi niya isinantabi ang mga mabababang loob. Sabi po niya, “Ipinakita ng Diyos ang lakas ng kanyang bisig. Pinangalat ang mga palalo, ibinagsak ang mga hari mula sa kanilang trono, itinaas ang nasa abang kalagayan, binusog niya ng mabubuting bagay ang nagugutom, pinalayas ang mga mayayaman. Habang itinataas siya, inilalapit niya ang kanyang sarili sa mga yagit ng lipunan.
Nariyan ang pagpapanibagong buhay ng sambayanan. Kung si Maria ay ating seseryosohin may sikreto na tayo kung papano tunay na magpapanibago ang ating buhay. Una, hindi ang salita ng tao kundi ang salita ng Diyos. Ikalawa kaugnayan kay Kristo. Hindi yung mga kone-koneksyon, kone-koneksyon, kaugnayan kay Kristo.
At ikatlo, pakiki-isa sa mga mabababa. Hindi sila isinasantabi, hindi kinakalimutan. Mas pinararangalan mas nakikiisa sa mga maliliit. Sana po maisakatuparan natin. Marami pang aral pero itong tatlong ito ang akin pong ibig ibahagi sa inyo; pagpapanibago ng ating sambayanan.
At nananawagan ako sa mga kapatid kong Pari at mga religious na nandito, sana maging inspirasyon tayo ng buong sambayanan. Pakikinig sa salita ng Diyos at pagsasabuhay din. Consistent na kaugnayan kay Kristo at ang laging pagtibok ng puso, pakikiisa sa mga kapos-palad, sa mga kinakalimutan, sa isinasantabi sa lipunan. At bilang isang sambayanan kapag tinahak natin ang landas na yan, alam niyo kung saan tayo magkikita-kita? Doon sa langit kasama si Maria, kasama ang kanyang anak. Ang kanyang paglalakbay doon umuwi. Kapag sinundan natin ang kanyang landas, doon din tayo uuwi. Kasama si Hesus, muling nabuhay at nakaluklok sa kanan ng Diyos Ama. Tayo po’y tumahimik sandali at ibukas ang ating puso sa salita ng Diyos na nag-aanyaya sa’tin sa pagpapanibago.