1,132 total views
Higit na pinagyayabong ng mga Filipino ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.
Ito ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action Justice and Peace/Caritas Philippines.
Ayon sa obispo, ito din ang dahilan ng pagpapalawak ng programa ng social arm ng simbahan para sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan lalu na tuwing may kalamidad.
“We don’t divide our love, we multiply it, upang mas marami ang mababahaginang kapwa,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa paglunsad ng Alay Kapwa ang taunang Lenten Program ng simbahan na layong makakalap ng pondo para magsilbing emergency standby fund para sa kagya’t na pagtugon kung kinakailangan.
Tema ng 45-taong programa ng social arm ng simbahan ang ‘Dialogue Towards Harmony na may PagmaMALASAKIT, PagbaBAHAGI, at Pag-aALAY-KAPWA’ kung saan binibigyang pansin ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang pananampalataya at ng mga katutubo sa bansa.
Charity beyond home and religion
Tinukoy naman ni Novaliches Bishop Roberto Gaa na higit palalaguin ang pagtulong sa lahat ng mamamayan sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw at paniniwala sapagkat ang lahat ay kapwa anak ng Diyos.
“Hindi natatapos ang charity sa bahay lamang kundi we need charity beyond home, beyond religion,” saad pa ni Bishop Gaa.
Sa ulat ng Caritas Philippines, mahigit sa anim na milyong piso ang nalikom na pondo ng Alay Kapwa noong nakalipas na taon kung saan ibinahagi ito sa mga lugar na nasalanta ng bagyo, ang magkakasunod na lindol sa North Cotabato at sa Digos Davao del Sur gayundin ang pagtulong sa mga biktima ng pagputok ng bulkang Taal.
Umaasa si Bishop Bagaforo na buong pusong yakapin ng mamamayan ang kapwa na nangangailangan ng pag-agapay upang maibsan ang paghihirap na nararanasan at suportahan ang mga programa ng simbahan na tumutugon sa pangangailangan ng mahihirap.
Ginawa ang launching ng Alay Kapwa Luzon Region sa Diocese of Novaliches na dinaluhan ng mga delegado mula sa 17 diyosesis ng Luzon.