993 total views
Binigyang diin ng isang Obispo na mahalaga ang pagdalo sa Banal na Misa bilang pinakamataas na uri ng pananalangin ng mga mananampalatayang Katoliko.
Ayon kay Tagbilaran Bishop Alberto Uy, sa Eukaristiya ang bawat isa ay makibahagi sa pag-aalay ng buhay ng Panginoong Hesus upang matubos ang kasalanan ng sangkatauhan.
“We believe that as we celebrate the Eucharist with the lord Jesus we offer the sacrifice, ang atong mga kasinatian sa kinabuhi atong ihalad uban kang Kristo ug kini maoy maghatag nato ug kaluwasan [We believe that as we celebrate the Eucharist with the lord Jesus we offer the sacrifice, ang ating mga karanasan sa buhay, ialay natin sa Panginoon at ito ay magiging daan sa ating kaligtasan],” pagninilay ni Bishop Uy.
Ipinaliwanag ng Obispo na mahalaga para sa mananampalatayang Katoliko ang pagdalo sa Banal na Misa sapagkat sumusunod tayo sa utos ng Panginoong Diyos na Mangilin sa araw Linggo at mga araw na dapat ipangilin.
Ang pagninilay ni Bishop Uy ay bilang tugon sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan hinimok ang mamamayan na huwag magtungo sa mga Simbahan at dumalo sa mga Banal na Misa kundi manatili na lamang sa mga bahay upang magdasal.
Ayon kay Bishop Uy, bagamat makahulugan din ang sama-samang pagdadasal ng buong pamilya sa bawat tahanan, mahalaga rin ang pagtitipon ng buong sambayanang Kristiyano sa Banal na Eukaristiya sapagkat ang sambayanan ang tunay na Simbahan at hindi ang mga gusali.
Dahil ditto, hinimok ng Obispo ang mamamayan na magkaisa sa pananalangin para sa Pangulo at lahat ng namumuno sa bayan upang magabayan sa bawat programang ipatutupad sa bansa na makasusunod sa kalooban ng Panginoon.
“This is our obligation as citizens of the country, maghiusa gyud ta sa pag-ampo para sa atong presidente aron ang iyang mga pagabuhaton, ang iyang mga damgo para sa nasod, mahisubay gyud sa mga pamaagi sa Ginoo [This is our obligation as citizens of the country, magkaisa tayo sa panalangin para sa ating Pangulo upang ang lahat ng kaniyang gagawin at pangarap para sa bansa ay naaayon sa kagustuhan at pamamaraan ng Panginoon].” ani ng Obispo.
Batay sa tala ng Catholic Directory ang Diyosesis ng Tagbilaran ay binubuo ng halos 800, 000 Katoliko na kabilang sa mahigit 80 porsiyentong Katoliko sa kabuuang populasyon sa Pilipinas.