224 total views
Magiging sentro ng isasagawang Manila Archdiocesan Pastoral Assembly o MAGPAS, ngayong buwan ng Septyembre ang pagdiriwang ng Season of Creation.
Sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity na napapanahong matalakay ang mga usaping pangkalikasan sa Season of Creation upang mapalawak pa ang kamalayan ng mga mananampalataya sa tunay na kalagayan ng kapaligiran.
Sinabi ng Obispo na magandang pagkakataon din na isasagawa ang MAGPAS sa unang araw ng Septyembre na idineklara ni Pope Francis bilang World Day of Prayer for Care of Creation.
Ayon sa Obispo, kabilang sa mahahalagang tatalakayin sa pagtitipon ay ang Ecological Conversion at ang mga tamang gawain upang tunay at mapabuti ang pag-aalaga sa kalikasan.
Umaasa din si Bishop Pabillo na ang isasagawang MAGPAS ay magiging daan upang ang mga mananampalataya ay makapagnilay at makapag-alay ng sama-samang panalangin para sa ikabubuti ng sanlibutan.
“Sana mag-alay kayo ng mga panalangin at saka makinig sa Radio Veritas sa September 1 para po sa ating celebration ng MAGPAS. Dito po sa Archdiocese of Manila meron po tayong Season of Creation mula po September 1 hanggang October 4, sa loob ng isang buwan na yan ay pinag-uusapan natin ang biyaya ng Diyos, ang kalikasan at ang pangangalaga natin dito. Kaya napaka halaga na magkaroon tayo ng consciousness specially about ecological conversion sa pag-aalaga natin sa kalikasan.” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Isasagawa ang MAGPAS sa unang araw ng Septyembre –araw ng Sabado sa Paco Catholic School, simula alas siyete y medya ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
Bukod kay Bishop Pabillo, kabilang din sa mga magbibigay ng repleksyon at pagtalakay sina Rodney Galicha-Branch Manager ng Climate Reality Project Philippines, Father John Leydon, MSSC – Convener ng Global Catholic Climate Movement Pilipinas, Lou Arsenio – Lay Coordinator ng Archdiocese of Manila Ecology Ministry, at si Father Jayson Laguerta – Executive Director ng Office of the Promotion of New Evangelization.
Kaugnay dito, inaanyayahan ang bawat isa na dumalo sa MAGPAS ngayong Septyembre, at makiisa sa iba’t-ibang mga aktibidad ng mga Parokya at Diyosesis sa loob ng isang buwang Season of Creation.
Inilatag naman ng Diocese of Cubao ang mga aktibidad sa pagdiriwang ng Season of Creations.
Read more: Pagdiriwang ng Season of Creation, Gamiting daan sa pangangalaga sa kalikasan