397 total views
Nananawagan ng tulong at panalangin si Diocese of Tagbilaran Bishop Alberto Uy matapos na mag-iwan ng pinsala ang bagyong Odette sa buong Visayas.
Ayon kay Bishop Uy, lubhang nakakalungkot at nakakahabag ang idinulot ng bagyo sa buhay at ari-arian ng mga tao lalo na’t magdiriwang ng Pasko.
“Let us all pray for the victims and survivors of Typhoon Odette. Everyone must lend a helping hand,” panawagan ni Bishop Uy.
Maliban sa panalangin at pagtulong, panawagan din ng obispo na isantabi muna ang mga usaping pulitikal na makakaapekto sa pagtulong sa kapwa ngayong nahaharap sa pagsubok ang bansa.
Ipinaliwanag ni Bishop Uy na sa pananalasa ng bagyong Odette ay sikapin ng bawat isa ang pagsuporta at pakikipagtulungan sa mga kinauukulan upang mas mapabilis ang pagtugon at pagtulong sa mga biktima ng sakuna.
“Sa Lahat ng Boholano, mangyaring suportahan ang ating mga lokal na pinuno habang ginagawa nila ang kanilang trabaho sa panahong ito ng pagsubok. Isantabi ang intriga at pulitika,” pahayag ni Bishop Uy.
Batay sa huling ulat ng PAGASA, patuloy ang paghina ng bagyong Odette at ngayo’y nasa timog timog silangang bahagi ng Cuyo, Palawan sa layong 90 kilometro.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 235 kilometro kada oras habang tinatahak ang direksyong pa-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Ayon sa tala ng Philippine National Police, dalawa na ang naiulat na nasawi dulot ng Bagyong Odette sa Northern Mindanao habang dalawa naman ang nawawala sa Western Visayas.
Nasa humigit-kumulang 200-libong mga evacuees naman ang pansamantalang nanunuluyan sa halos 8,000 evacuation centers kabilang na ang mga simbahan sa pitong apektadong rehiyon sa bansa.