217 total views
Mas makabubuting hindi muna buksan sa mga residente ng Luzon ang Baguio City.
Ito ang naging pahayag ni Baguio Social Action Director Father Manuel Flores hinggil sa pagpapahintulot na buksan na ang lungsod sa mga turista ng Luzon sa gitna ng banta ng COVID-19.
Ayon kay Fr. Flores, ang Baguio City ay pumapangalawa sa mapanganib na lugar kung saan may mga kaso ng COVID-19.
“It would be better not yet to open Baguio City for the whole Luzon. Baguio City is ranked 2nd high risk area given the cases it is encountering daily,”pahayag ni Fr. Flores sa panayam ng Radyo Veritas.
Sang-ayon naman ang pari na buksan ang lungsod sa mga residente lamang ng Region 1 at Cordillera Administrative Region upang makatulong sa muling pagbangon ng ekonomiya gayundin ang kaligtasan laban sa virus.
“I would go for the opening of the city to Region 1 and Cordillera areas so as to help out in the economy,” ayon sa pari.
Naunang nagbabala ang University of the Philippines OCTA Research Group, na ang hospital occupancy ng lungsod ay aabot na sa 70 percent critical level bunsod ng natatanggap na mga pasyenteng may virus mula sa iba’t ibang lugar.
Ayon naman kay Baguio City Mayor at contact tracing czar Benjamin Magalong, hanggang 300 mga turista muna ang papahintulutang makapasok ng lungsod.
Paiikliin din ng lungsod ang curfew hours sa alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng umaga.
Batay naman sa Catholic Social teaching, bagamat pinapahintulutan ng simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, kinakailangan na ang negosyo nito ay hindi nagdudulot ng kapahamakan sa kalusugan o sa buhay ng tao.