255 total views
Umaapela ng panalangin si Diocese of Legazpi, Albay Bishop Joel Baylon sa kasalukuyang sitwasyon sa lalawigan ng Albay dulot ng patuloy na pagbuga ng abo at lava ng bulkang Mayon.
Nangangamba ang Obispo na umabot pa sa 40-libong residente ang kailangang ilikas at manatili sa may 35-evacuation centers sa lalawigan dahil sa patuloy na banta nang pagsabog ng Mayon volcano.
Dahil dito, nanawagan si Bishop Baylon para sa pangangailangan ng mga evacuees partikular na sa pagkain, kulambo, sleeping mat at maging alternatibong pagkakakitaan lalot walang katiyakan kung kailan maaring muling makauwi ang mga residente sa kanilang mga tahanan.
“Ngayon ang problema may evacuation centers kung saan nandun ang mga nag-i-evacuate pero this time yun pong mas malaking problema kasi lalong lalo na dito sa Mayon we don’t know when it will end, so last time 2 to 3 years ago umabot sa tatlong buwan na nasa evacuation centers yung mga tao at nangangailangan sila ng pagkain, alternative means of livelihood. The biggest problem is of course food and yung mosquito net, sleeping mat ito po ang patuloy na nananawagan kami na matulungan kaming makapag-provide nito.” apela ni Bishop Baylon sa panyam sa Radio Veritas.
Lubos naman ang pasasalamat ng Obispo sa ilang mga institusyon ng Simbahan sa pangunguna ng Caritas Philippines at Caritas Manila sa agad na pagpapadala ng tulong para sa mga apektadong residente sa lalawigan.
Bukod dito, tiniyak rin ni Bishop Baylon ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng diyosesis sa iba pang mga institusyon ng Simbahan upang makalikom ng sapat na donasyon na maaring makatulong sa patuloy na pangangailangan ng mga residente partikular na ng mga nasa evacuation centers.
Kaugnay nito, patuloy ang apela ng Caritas Manila at Radio Veritas ng in kind at cash donations para sa mga residenteng apektado ng inaasahang hazardous explosion ng bulkang Mayon.
Read: Call for donations for Province of Albay affected by Mayon Volcano, hazardous eruption imminent
Batay sa tala ng Diocese of Legazpi, Albay tinatayang umaabot na sa higit 35,000-indibidwal na naninirahan malapit sa Bulkang Mayon ang kinailangan lumikas mula sa banta ng panganib na dulot ng kasalukuyang aktibidad ng bulkan Mayon matapos itaas ang alerto sa Alert Level 4.