202 total views
Tiniyak ng Diocese of Legazpi, Albay ang kahandaan ng diyosesis upang magkaloob ng tulong sa mga residenteng apektado ng kasalukuyang aktibong aktibidad ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Legazpi Bishop Joel Baylon, isa sa kasalukuyang programang isinusulong ng diyosesis ang paghimok sa ilang mga hindi apektadong residente na tumanggap at magpatuloy ng mga evacuees sa kanilang mga tahanan upang mabawasan ang bilang ng mga evacuees na nagsisiksikan sa ilang mga evacuation centers sa lalawigan.
Pagbabahagi ng Obispo, ang naturang programa na tinatawag na Harong na ang ibig sabihin ay Home ay naglalayong mahikayat ang ilang mga mamamayan na ibukas ang kanilang tahanan para sa mga evacuees na kinailangan lumikas mula sa panganib na dulot ng kasalukuyang aktibidad ng Bulkang Mayon.
Bukod sa mas maayos na matutuluyan ay naniniwala rin si Bishop Baylon na makatutulong ang pagbubukas ng mismong tahanan ng ilang mga residente upang magkaroon pa rin ng kumpyansa ang mga evacuees at mawala ang kanilang takot o pangamba sa pakikipagsiksikan sa mga evacuation centers.
“Meron na kaming immediate response to the situation meron kaming mga iba’t ibang new ways of approaching it like for example meron kaming program na para hopefully ma-decongest yung number ng mga evacuees, meron kaming program to inviting homes give refuge sa ilang mga families, sa program na ginagawa namin na tinatawag naming Harong, Harong is Home we invite people to welcome this families especially yung mga relatives nila para they are more confident, walang suspicios o fears kasi may mga malikot din ang kamay and like that…” pahayag ni Bishop Baylon sa panayam sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi pa ng Obispo, bukod sa maayos at malinis na palikuran at pagkalayo ng mga bata sa kanilang mga eskwelahan ay problema rin sa kasalukuyan ang pagsisiksikan sa mga evacuation centers taliwas sa itinakda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na 8 hanggang 10 pamilya sa isang silid aralan ay umaabot sa 30 hanggang 40 pamilya ang nagsisiksikan sa isang silid aralan.
Dahil dito ayon sa Obispo ay nagsasalitan na lamang sa pagtulog at papahinga ang mga kalalakihan sa umaga at ang mga bata at kababaihan sa gabi.
“I was in several evacuation centers yung bathroom na ginagamit nila isa pa nga po yung problema kasi nadi-displace din yung mga bata sa eskwelahan pero what ordinarily ideally sabi ng DSWD 8 to 10 families should be in 1 classroom pero ngayon there as many as 30 to 40 families in one classroom so ang nangyayari dyan natutulog sa umaga yung mga lalaki sa gabi yung mga babae at mga bata…” Pagbabahagi pa ni Bishop Baylon.
Naunang nanawagan ang Diocese sa mga residente ng Albay na buksan ang kanilang tahanan sa mga nagsilikas na residente malapit sa bulking Mayon.
Read: Buksan ang tahanan sa evacuees
Batay sa tala ng Diocese of Legazpi, Albay tinatayang umaabot na sa 34,000-indibidwal na naninirahan malapit sa Bulkang Mayon ang kinailangan lumikas mula sa banta ng panganib na dulot ng kasalukuyang aktibidad ng bulkan.
Nauna ng umapela ng pagdarasal o ‘Spiritual Intervention’ ang Social Action Center ng Diocese of Legazpi upang ipag-adya ang lalawigan mula sa anumang sakunang maaring idulot ng kasalukuyang aktibong aktibidad ng Bulkang Mayon.
Read: Mga residente Albay, hinimok na ipanalangin ang “Oratio Imperata for calamity”.