390 total views
Wagas na pag-ibig, katapatan at pakipag-isa ang mga katangian ng pagiging deboto ng Poong Hesus Nazareno.
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa pagdiriwang ng kapistahan ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno na may temang ‘Hinirang at Pinili upang maging lingkod Niya’.
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na ito ay hindi lamang paggaya kundi pakikipag-isa sa kaluwalhatian, tuwa maging sa pagdurusa at pangamba.
Iginiit ng Kardinal na ang pagiging deboto ay hindi nangangahulugan ng perpektong pakikipag-ugnayan sa Panginoon kundi pinagyayabong sa pamamamagitan ng paglilingkod at pagpapasa ng pananampalataya sa kapwa.
ARAW-ARAW NA DEBOSYON KAY HESUS
Ipinaalala ni Cardinal Tagle na ang debosyon kay Poong Hesus Nazareno ay araw-araw hindi lamang tuwing ika-9 ng Enero o sa Traslacion.
“Nakakatawag-pansin ang ika-9 ng Enero dahil parang naipapakita ng bawat deboto ang sidhi ng kanyang pamimintuho kay Poong Hesus Nazareno. Pero hindi nababanggit kalimitan na ang debosyon sa Poong Hesus Nazareno ay hindi lamang tuwing January 09; ang debosyon sa kanya ay hindi lamang sa Traslacion. Araw-araw, ang daming sumisimba sa lahat ng misa sa Quiapo Church, t’wing Biyernes lalo na pag First Friday, tuloy ang debosyon. At hindi lamang sa Quiapo lahat ng parokya na halos at sa ibang bahagi ng mundo,” pahayag ni Cardinal Tagle
SI HESUS ANG UNANG DEBOTO
Inihayag ng Kardinal na kailangang ipagdiwang ang debosyon dahil ito’y biyaya at paghirang.
Inihalimbawa ni Cardinal Tagle si Hesus na bumaba sa langit at hinubad ang karangalan bilang anak ng Diyos upang makiisa sa tao.
“Kasi po ang unang naging deboto sa atin, devoted to us, ay si Hesus mismo. Siya ang deboto ng kanyang Ama sa langit at pinakita rin Niya na Siya ay devoted sa atin. Sa Ebanghelyo ayon kay San Juan, Siya ay ang anak ng Diyos na bumaba mula sa Langit at hinubad ang kanyang karangalan sa langit bilang anak ng Diyos para makiisa sa atin. Iyong ibang tao kapag nasa langit na hindi mo na yan mapapababa! Pero si Hesus nasa langit bababa para samahan tayo. That’s devotion”. bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle
DEBOSYON AT PANATISISMO
Binigyan diin ng Kardinal na ang tunay na deboto ay nagmamahal, tapat at nakikipag-isa sa minamahal hindi tulad ng panatiko na kumakapit lamang sa nagbibigay ng halaga sa kanya.
“Katangian ng deboto na nakikita kay Hesus.Una, pagmamahal na wagas. Ikalawa, katapatan o loyalty na naglilingkod. At ikatlo, pakikipag-isa sa aking minamahal. Ang panatiko hindi nagmamahal, ang panatiko kumapakapit lang sa isang nagbibigay ng halaga sa akin, pero ang deboto hindi iyon ang dahilan. Devoted ka dahil mahal ko Siya. Iyan ang pinakita ni Hesus, iyan din ang diwa ng debosyon, nag-uumapaw na pag-big.” paglilinaw ni Cardinal Tagle.
TUNAY NA DEBOTO NG POONG HESUS NAZARENO
Sinabi ni Cardinal Tagle na ang tunay na deboto ay pinapayabong at pinapayaman ang debosyon araw-araw.
“Hindi natin sinasabi na ang pagiging deboto ay pagiging perpekto na sa ugnayan kay Hesus, hindi po. Katulad nang kahit na anong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pakikipag-kaisa ito ay araw-araw pinagyayaman, huwag pababayaan. Ito ay pinalalakas, ito ay pinapasa, itinuturo sa iba. At kung ang debosyon ay kay Hesus, Wow, wow. Mas mabuti na si Hesus ang mahalin, ang maging tapat, ang paglingkuran at maging kaisa natin. Si Poong Hesus Nazareno ang mahalin hindi ang mga huwad na Diyos na kalimitan ay minamahal, pinaglilingkuran at pinagkaka-isahan ng puso.
Nagsimula ang Traslacion ng imahen ng Poong Hesus Nazareno alas-5 ng umaga mula sa Quirino grandstand pabalik sa kaniyang dambana sa Minor Basilica of the Black Nazarene.
Bukod sa Maynila, ilang ding lugar sa Pilipinas ang nagsagawa ng Traslacion kabilang na dito sa Cagayan De Oro, Tagum, Batanes, Legazpi at Nueva Vizcaya maging ang mga Filipino Community sa United Arab Emirates.