220 total views
Nagbigay ng paalala ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Hesus Nazareno.
Kabilang sa mga paalalang ito ay ang pagpapanatili ng kabanalan ng pagdiriwang.
Ayon kina Fr. Danichi Hui at Fr. Douglas Badong, Parochial Vicars ng Quiapo Church, mahalagang makiisa ang mga mananampalataya sa taimtim na pananalangin at pagdalo sa banal na misa upang mapalalim ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
Pinaiiwas din ang mga deboto sa anumang gulo habang isinasagawa ang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno upang mapanatili ang kabanalan ng prusisyon.
Pinapayuhan din ang mga deboto na huwag magdala ng istandarte sa mismong kapistahan at bigyan daan ang imahe ng Poong Hesus Nazareno sa prusisyon.
Para naman sa mga mamamasan, pinaalalahanan ang mga baguhan na humingi ng gabay sa mga nakatatanda, at ang mga kababaihan naman ay pinakiusapan din na huwag nang makipagsabayan sa mga kalalakihan.
Bukod dito, mahigpit din ang ipatutupad na security measures sa mga pagtitipon sa Quirino Grandstand at sa Quiapo Church kaya hinihimok ang mamamayan huwag magdala ng matutulis na mga bagay, malalaking bag at canisters.
Dahil sa siksikan at maraming tao, makabubuti din na mayroong ID ang mga bata at matatanda sakaling mapahiwalay o mawala ang mga ito.
Pinakiusapan din ang mga mananampalataya na iwasan na ang pagkakalat, at sinupin ang kanilang mga basura upang maitapon sa tamang lugar.
Inaasahan din ang pagsunod ng mga vendors sa designated areas na maaari silang makapagtinda gayundin ang paglalagay ng sarili basurahan.
Hinikayat din ang mga mananampalataya na maging mahinahon at tulungan ang mga autoridad sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag sa kapaligiran upang mapanatili ang kabanalan ng pagdiriwang ng kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Sa ika-9 ng Enero alas dose ng hating gabi gaganapin ang midnight mass para sa kapistahan na pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Bago ang kapistahan, inaanyayahan din ang mga mananamplataya na dumalo sa pagbabasbas ng mga istandarte sa ika-apat ng Enero matapos ang banal na misa ng alas siete ng gabi.
Kasunod nito sa ika-7 ng Enero ang Replica procession at blessing ng mga imahe, at sa ika-8 ng Enero ay magsisimula nang alas tres ng hapon ang pahalik at vigil para sa mahal na poong Hesus Nazareno.
Noong nakaraang taon mahigit 20 oras ang inabot ng prusisyon sa pagbalik ng imahe ng Poong Heus Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church.
Umaasa naman ang pamunuan na mapabibilis ito ngayong taon at magiging mas taimtim at banal ang prusisyon.