362 total views
Ang masidsing pagpapakita ng pananampalataya at debosyon sa Mahal na Poong Hesus Nazareno ay maituturing na ‘language of love’ at ‘language of the heart’ ng mga deboto.
Ito ang ibinahagi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman – CBCP-Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa taunang Traslascion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno tuwing ika-9 ng Enero na dinaragsa ng milyon-milyong mananampalataya.
Ayon sa Obispo, bagamat maituturing na kakaiba ang masidhing paraan ng pagdedebosyon ng mga deboto ng Poong Hesus Nazareno ay hindi dapat na ikatwa sapagkat ito lamang ay ang kanilang paraan ng pagpapahayag ng labis na pagmamahal at pananampalataya sa Panginoon.
Giit ni Bishop Pabillo, tanging ang mga indbidwal na hindi marunog magmahal ang hindi makakaintindi sa paraan ng pagpapahayag ng mga deboto sa kanilang pagnanais na mapalapit sa Panginoon.
“Hindi makakaintindi niyan ang mga taong hindi nagmamahal ngunit ang nagmamahal ay may kanya-kanyang pamamaraan to express ang kanilang pagmamahal at kung yan yung expression ng pagmamahal ng mga tao na maging malapit sa Diyos ay dapat yan ay igalang natin kumbaga hindi naman nakakasama yung ganyang pagpapahayag ng pagmamahal, nagpapalapit pa nga sa kanila sa Panginoong Diyos at ayaw ba natin na mapalapit ang mga tao sa Diyos kaya yan po ay language of love, language of the heart hindi yan language of the mind kaya dapat yan igalang natin yan…” pahayag ni Bishop Pabillo.
Kaugnay nito batay sa tala ng pamunuan ng Quiapo Church noong nakalipas na Traslacion 2017, umabot sa 18-milyong mga deboto ang nakiisa sa Traslacion.
Noong nakalipas na taon umabot ng 21-oras ang itinagal ng Traslacion mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church habang ang pinakamahaba naman ay naganap noong 2012 na tumagal ng 22-oras.